Parusahan ang ‘addict’ na pulis
PATUNAYAN mo sa madlang people Gen. Bato dela Rosa na kaya mong ipataw kay Supt. Lito Cabamongan ang pinakamabigat na parusa! Noong nakakulong si Cabamongan sa Las Piñas City-Police headquarters, naglabasan ang mga ugat sa ulo ni Bato sa galit. Kung makalulusot lang sa rehas ang kamay ni Bato tiyak may kalalagyan si Cabamongan. Kasi sa ipinakitang kakaibang kilos ni Cabamongan, katulad ng pagsisipa sa mga preso at pagsasagot ng pabalang, wala na ito sa katinuan. Ngayong positibo sa drug test si Cabamongan, may dahilan pa bang magpatumpik-tumpik si Bato? Nararapat maipatupad ni Bato ang una nitong binitiwang salita. Paano pa siya rerespituhin ng mga pulis kung hindi niya kayang ipatupad ang binitawang salita. Sa ngayon, dumarami na ang bumabatikos kay Pres. Rodrigo Duterte dahil sa mga patayang nagaganap. Subalit marami pa rin naman ang naniniwala sa programa ni Duterte dahil nabawasan na ang kriminalidad. Kaya hindi dapat palampasin ni Bato ang pagkakasangkot ng kanyang mga tauhan.
Sa Quezon City, pinatunayan ni QCPD director C/Supt. Guillermo Eleazar na kaya niyang harapin ang mga nagsisiga-sigaang pulis. Ginawa ni Eleazar ang aksyon kasunod ng pambubugbog ng isang opisyal ng QCPD sa isang motorista sa loob ng presinto. Ang pulis ay si Chief Inspector Melvin Madrona na nahaharap na sa kriminal at administratibong mga kaso. Nabatid na ang ginawang pambubugbog ni Madrona sa motorista noong Marso 17 ay nakunan ng CCTV ng QCPD Station 5 sa Fairview kung saan siya ang commander ng Drug Enforcement Team ng presinto. Ang motorista ay nakagitgitan ni Madrona sa U-turn slot ng Commonwealth Avenue. Kitang-kita sa CCTV na humingi ng tulong ang motorista sa mga pulis, pero imbes na saklolohan, nanood lamang ang mga ito habang binubugbog ni Madrona. Matapos bugbugin, ikinulong ni Madrona ang motorista. Naging mabilis ang aksiyon ni Eleazar dahil agad inilagay si Madrona sa District Headquarters Support Unit sa Camp Karingal at inilipat naman ni Bato sa restrictive custody para hindi maimpluwensiyahan ang imbestigasyon.
Sabi pa ni Eleazar, hindi niya kukunsintihin ang pang-aabuso sa QCPD. Patunay na rito ang mga sinibak niyang pulis matapos masangkot sa mga insidente ng hulidap, pangongotong at iligal na droga. Hindi umano siya mangingimi na sibakin ang mga tauhan na mapapatunayan na abusado sa pwesto. Ito ay alinsunod sa sinasandalan niyang prinsipyo sa pamamahala, “Reward the good, punish the evil”. Hindi raw siya titigil sa paglilinis sa sariling bakod dahil batid niya na para magtagumpay ang kampanya kontra kriminalidad, dapat ay walang bahid ang mga pulis na nagsisilbi sa bayan. “Ang presinto ay sagrado kaya dapat irespeto.”
- Latest
















