‘Holiday blues’
MAGING mapagmasid sa inyong mga kapamilya, kaibigan at kaanak.
Ito ang panahon kung saan mataas ang bilang ng mga nagpapakamatay. Dala ng matinding depresyon at kalungkutan marami ang mga kumikitil ng sariling buhay.
Karaniwan itong nararamdaman ng mga malalayo sa kanilang mga mahal sa buhay. Ayon sa mga dalubhasang psychiatrist, tumataas ang estatistika pagpasok ng “ber” months hanggang sa katapusan ng Pebrero.
Bagamat walang eksaktong bilang ang mga awtoridad ng mga nagsu-suicide, ito ang panahong itinuturing nilang kritikal dahil sa mga okasyon na ipinagdiriwang.
Pero sa pag-aaral ng Philippine Psychiatric Association, millennial ang mataas ang bilang ng suicidal rate. Edad 15 hanggang 24, parehong babae at lalaki. Maraming sintomas ang mga gustong mag-suicide. Ang pinaka-delikado, lalaki.
Mas mapanganib ang kanilang pamamaraan ng pagkitil ng buhay. Kumpara sa mga kababaihan, lalaki ang kadalasang gumagamit ng baril at patalim o pagtalon sa matataas na gusali.
Payo ng mga dalubhasang doktor, dapat pagtuunan ng atensiyon ang bawat ikinikilos ng mga kasama sa bahay, kaibigan at katrabaho. Malaki ang maitutulong ng pagpapayo at pagkausap sa sinumang nalulungkot at depressed individuals dahil maaaring maagapan at mapigilan ang kanilang pagsu-suicide.
Patuloy na paalala sa publiko maging mausisa sa biglaang pagbabago ng ugali ng ilan sa mga miyembro ng inyong pamilya, kaibigan at kasamahan sa mga natitirang kritikal na buwan.
Kapag nakikitang matamlay at hindi pangkaraniwan ang kanilang ikinikilos, kausapin sila at payuhan upang hindi mahantong sa pagpapakamatay.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.
- Latest