Pahirap sa mahirap
HINDI ko talaga maintindihan kung bakit ang mga may-ari ng pribadong ospital ay ginagawang fulltime na negosyo ang kanilang pagamutan.
Tuluyan na nilang kinalimutan ang kanilang moral at social responsibilities bilang isang ospital na ang komposisyon ay hindi maaring ihalintulad sa isang buy and sell na negosyo.
Ang ospital ay hindi katulad ng isang restawran o department store na ang tanging iniintindi ng may-ari ay ang kanyang return on investment o ang kanyang tutubuin mula sa kanyang puhunan.
Espesyal na serbisyo ang ipinagkakaloob ng isang ospital katulad ng pag-aalaga sa pasyente hanggang sila ay gumaling.
Ngunit napakasakit ng katotohanan na sa ating kasalukuyang panahon, lahat nang bagay na ginamit ng pasyente ay mayroong bayad na noong araw ay hindi naman ito binabayaran dahil ito ay bahagi ng serbisyo publiko ng ospital.
Dapat busisiin at siyasatin ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Health (DOH) ang ginagawang pagmamalabis ng mga pribadong ospital.
Bakit kailangang bayaran ng P735 ang ginamit ng dalawa hanggang tatlong oras ng pasyente na hospital bed sa emergency room na pinagdalhan sa kanya.
Tinawag nila itong emergency room fee hindi naman kuwarto kundi cubicle na maliit na natatakpan lamang ng kurtina. Sobra namang kasuwapangan ito dahil ang hospital bed ay hindi kailangang bayaran.
Muling nagpakabit ng foley catheter sa isang pribadong ospital sa Las Piñas ang isang kaibigan na may prostate problem ang brinaso nila ito ng magpa-urinalysis.
Sinabi ng pasyente na nagpa-urinalysis na siya noong Disyembre 2 kung saan siya unang nilagyan ng catheter pero humirit ang hospital staff. Magpaeksamin daw siya ng ihi para matiyak na wala siyang urinary tract infection (UTI).
Kaya “naholdap” na naman ng dagdag na P277 para sa urinalysis. Ultimong gloves na ginamit ng doktor sa pag-eksamin ay binabayaran ng pasyente.
At kung ang pasyente ay mananatili sa ospital sapilitan nila itong bibigyan ng maliit na sabon, maliit na toothpaste, napakanipis na kutsara at tinidor, mumurahing sepilyo at thermometer.
Binabayaran ito ng pasyente at mahal pa. Napakaraming dagdag-gastos ang binabayaran ng pasyente dahil ang mga pribadong ospital ngayon ay prayoridad ang negosyo at hindi ang public service.
Dapat siyasatin ng gobyerno ang mga pribadong ospital na pawang pahirap sa mahirap. Dapat silang kasuhan, pagmultahin at ikulong dahil sa kanilang pagkagahaman.
- Latest