Kung sino’ng iboboto, kilatisin ang pagkatao
“SINO ba ang iboboto natin?” Hindi pa man nagsisimula ang campaign period -- Peb. 9 para sa pambansang kandidato, Mar. 25 sa lokal -- nagtatanungan na ang mga botante. Kasi napapaisip na sila ng mga napapanood sa TV na “pakilala” ads. At nalilito rin sila sa nilalaman nito.
Dahil peryodista ako, malimit akong matanong ng mga kamag-anak, kaibigan, at miski mga bagong kakilala. Akala nila may mga alam na sikreto ang mga mamamahayag. Hmm, siguro meron nga.
Ito lang ang maipapayo ko:
Importante arukin ang mga pangako ng mga kandidato. Batay sa tinatayuan niyang isyu, mababatid kung ano malamang ang kanyang gagawin kapag naluklok sa puwesto. Sa iyong pakiwari, ang mga isinusulong ba niya ay makakabuti sa interes mo? Ito’y ikaw bilang mamamayan, manggagawa, negosyante, propesyonal, may-ari ng bahay at lupa o walang ari-arian, may kapansanan, bata matanda, babae, atbp.
Mas mahalaga, kilatisin ang pagkatao ng kandidato. Madali ito sa lokal kaysa pambansa. Sa maliliit na bayan, malamang na kilala mo ang kandidato o kamag-anak, kaibigan, kasosyo, tauhan, at tagasuporta nito. Ang karakter kasi ay hindi basta nababago at naitatago ng campaign ads at slogans. Kung ano ang kinalakihan ng kandidato at nahubog na pagkatao niya, ‘yun na siya. Mangako man siya ng kung ano-anong programa at proyekto, sa pagkatao niya mahuhulaan kung tutuparin niya ito, at kung sa malinis na paraan.
Para makilatis ang pambansang kandidato, masipag na sundan ang balita sa pahayagan, radyo, at TV. Suriin kung sinsero o plastik ang kandidato. Pag-ingatan ang negative campaigning ng mga kalaban niya. Matutong magbasa ng kahulugan sa gitna ng mga linya, kung ang sinasabi niya ay may laman o palabas at pakitang-tao lang.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest