‘Prinsipyo for sale’
FACT: Eleksyon ang ugat ng korupsyon. Sa kampanya pa lang, nag-uumpisa na ang pakikipagtawaran.
Marami sa mga ambisyosong pulitiko nagbebenta ng prinsipyo at adbokasiya. Nakikipag-kompromiso na sa ngalan ng bilyones na pondo.
Nagbibigay ng kondisyon sa mga king maker o malalaking financiers at supporters para suportahan ang kanilang partido.
Sakaling manalo, hindi sila pwedeng isakripisyo. Bagkus, laging isasaalang-alang ang kanilang interes sa bawat gagawin nilang desisyon.
Lumalabas, ang mga ibinoto nating mamumuno, palamuti na lang dahil ang totoong nagpapatakbo ng bansa, ang kanilang mga niluluhuran at pinagkakautangang king makers.
Sa datus ng Comelec nitong nakaraang linggo, milyun-milyon na ang nagagastos ng mga presidentiable sa kampanya higit limang buwan pa bago ang national elections.
Sa malisyosong pag-iisip, saan sila kumukuha ng pondo? Sino ang mga nasa likod nila? Papaano sila makakabayad sa kanilang financiers? Hindi naman sa pagmamaliit, magkano lang naman ang sweldo ng mga pulitikong “nag-aaplay” na pagsilbihan tayo.
Hindi matiyak kung itong mga king maker na ayaw lumutang at sadya talagang ayaw pangalanan ng mga pulitiko, naniniwala sa paninindigan ng prinsipyo ng partido.
Ito ang matagal nang problema sa Pilipinas. Walang umiiral na party system. Hindi tulad sa Estados Unidos dalawang partido lang.
Depende sa paninindigan ng mga pulitiko, makikipag-alyansa sila sa partidong pinaniniwalaan nila ang prinsipyo at adbokasiya.
Sa bansa natin ang mga pulitiko nagsasama-sama lang tuwing eleksyon.
Subalit, hindi dahil sa kanilang pinaniniwalaan at prinsipyo bagkus kung ano ang pabor at kombenyente sa kanilang pagkapanalo.
Naglalabasan ang mga balimbing at nagtatalunang-bakod sa kagustuhang mailuklok sa pwesto.
Karapatan ng taumbayan na malaman kung magkanong halaga at sino ang mga nasa likod ng bawat ‘aplikanteng’ pangulo, senador, kongresista at iba pang pulitiko.
Hindi ‘yung kapag nagbabayad-utang na at nasasakripisyo na ang kapakanan ng taumbayan, saka lang magkakabukingan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.
- Latest