EDITORYAL – Isulong, pagkakaroon ng firecracker zones
PAALALA ng Malacañang sa publiko na huwag gumamit ng mga mapanganib na paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon para maiwasan ang anumang injuries. Gawin daw ligtas ang pagsalubong sa 2016.
Patuloy din naman ang kampanya ng Department of Health (DOH) na nagbabawal sa mga tao na huwag magpaputok para maiwasan ang disgrasya. Kadalasang may napuputulan ng daliri at kamay, nabubulag at nalalapnos ang mukha at katawan. Kadalasang mga bata ang biktima ng paputok.
Bukod sa mga nabanggit na insidente, nagkakaroon din ng mga sunog dahil sa mga sinindihang paputok. Ang kuwitis ay isa sa mga itinuturong dahilan ng sunog sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa. Pumapasok sa loob ng bahay ang kuwitis at doon nagsisimula ang sunog. Isa pang dahilan ay ang sky lantern.
Isang magandang paraan para mapigilan ang mga insidente mula sa paputok ay ang pagkakaroon ng isang tamang lugar o firecracker zones. Kung may firecracker zones sa bawat barangay, mababawasan ang mapuputulan ng daliri, kamay, mabubulag, malalapnos at masusunog ang mukha.
Taun-taon tuwing sasapit ang New Year, malaki ang nagagastos ng gobyerno sa mga ginagamot sa ospital. At sa kabila na marami nang naputulan ng daliri at nabulag, marami pa rin ang hindi nagkakaroon ng leksiyon. Wala pa ring kadala-dala.
Maski ang Bureau of Fire Protection (BFP) ay paulit-ulit ang payo sa local government units (LGUs) na maglagay ng firecrackers zones. Pero “tayngang kawali” ang LGUs at tila hindi inaalala ang kapakanan o kaligtasan ng mamamayan. Dahil walang firecracker zones, ang mga walang disiplina sa pagpapaputok ay hagis na lamang nang hagis ng paputok at ito ang dahilan kaya may sunog.
Magkaroon sana ng pag-aaral ang LGUs at mapag-isipang magkaroon na ng isang lugar na pagdarausan ng paputok at mga pailaw. Ang firecracker zones ay magiging atraksiyon din sa mga turista at maaaring kumita ang bansa sa kanilang pagdagsa. Bukod dito, magiging safe pa ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
- Latest