Ano ba talaga itong ‘economic stimulus’?
ITO ang economic stimulus o pampasigla sa kabuha- yan, ayon sa kumakalat na paliwanag sa Internet.
Ipagpalagay na nasa isang liblib na bayan ka sa maliit na probinsiya -- walang aksyon, walang tao sa kalye, lahat baon sa utang at maraming namumuhay sa “lista.”
Dating ang isang dayuhan. Pumasok sa kaisa-isang nila-langaw na motel, nagpaunang bayad ng P500, at nagsabing iinspeksyunin muna ang kuwarto bago pumili ng tutulugan sa gabing ‘yon.
Pag-akyat ng turista, dinaklot ng may-ari ng motel ang P500, tumakbo sa katabing matadero, at binayaran ang utang.
Kinuha ng matadero ang P500, tumalilis sa may-ari ng piggery, at binayaran ang utang.
Kinuha agad ng may-piggery ang pera, at humangos sa Kooperatiba para bayaran ang utang na feeds.
Paghawak sa pera, tumungo agad ang namamahala sa Kooperatiba sa suking prostitute, na dahil sa hina ng negosyo ay nagpapaunlak sa piling parokyano nang “utang muna.”
Agad namang nagbayad ang prostitute ng utang sa paggamit sa kwarto sa may-ari ng motel.
Ibinalik ng may-ari ng motel ung P500 sa counter, para di magsuspetsa ang dayuhan.
Siya namang pagbaba ng dayuhan sa pag-inspeksyon sa taas, at nagsabing hindi niya nagustuhan ang mga kuwarto, kaya binawi niya ang down payment na P500 at umalis.
Walang bagong produktong nagawa. Walang kumita. Pero, ang buong bayan ay nakawala sa pagkakautang at handang harapin ang kinabukasan ng may pag-asa. Ganyan ang nagagawa ng government economic stimulus.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest