Bagong rekisitos ng LTO ibasura
NAGMAMARAKULYO ang mga professional drivers sa bagong rekisitos ng LTO na umuobliga sa mga kumukuha o nagre-renew ng lisensya sa pagmamaneho na magsumite ng police at NBI clearance.
May dahilang umangal ang mga mahihirap na ang tanging hanapbuhay ay pagmamaneho ng mga public vehicles o kaya’y mga drivers sa mga kompanya o pamilya. Dagdag abala at gastos na naman iyan mula sa kanilang katiting na kinikita.
Pero pansamantalang sinuspinde ng LTO ang reglamentong ito matapos silang kuwestyonin ng Senado sa isinagawang budget hearing. Hindi rin makita ng mga Senador ang sentido ng naturang reglamento. Kung ang punto ay upang tiyakin na ang mga kumukuha ng lisensya ay yung mga karapat-dapat lang, ang kailangang ibalik ay ang drug test at ipatupad ito nang tama. Kasi naman, basta’t maglalagay ka lang ay puwede kang pumasa sa drug test kahit sugapa ka sa droga.
Hindi nga ba may mga drivers na nasasangkot sa mga aksidente na nang isailalim sa drug test ay positibong gumagamit ng droga?
Sa budget deliberation, kinuwestiyon nina Senate President Franklin Drilon at Senate Protempore Ralph Recto ang nasabing polisiya. Iginiit ni Recto na pahirap lamang sa mga mamamayan ang nasabing bagong requirement sa pagkuha ng lisensiya.
Dapat ay maging episyente ang LTO sa mga dapat atupagin nito gaya ng pagpapalabas ng mga plaka ng sasakyan na inaabot ng taon. Puro pahirap ang ginagawa ng ahensyang ito sa taumbayan. Wika nga ni Sen. Ralph Recto: “Delayed na yung license plate, delayed pa yung driver’s license, pahihirapan na naman natin yung ordinaryong nagmamaneho, naghahanapbuhay.”
Dapat ay tuluyan nang ibasura ang policy na ito dahil tiyak kong makakaapekto nang malaki sa ating public transport system at marami ang mawawalan ng hanapbuhay. Paano kung ang driver ay ex-convict o kaya’y may asunto sa hukuman na hindi pa nareresolba? Tiyak hindi mabibigyan ng NBI clearance iyan. Paano sila maghahanapbuhay?
- Latest