Tulungan ang mga magsasaka
NGAYON natin nararamdaman ang mga epekto ng bagyong Lando sa mga bilihin. Tumaas ng halos doble ang mga presyo ng gulay ilang araw matapos humagupit ang bagyo sa Luzon. Pati ang Baguio ay tinamaan kaya ang presyo ng gulay ay tumaas dahil maraming nasirang mga tanim. Konti ang suplay, kaya mataas ang presyo. Kung gaano katagal mananatiling mataas ang presyo ay hindi pa matiyak, depende kung may ibang panggagalingan ng mga gulay bukod sa Luzon.
Ganundin ang presyo ng isda at bigas. Dahil sa mga baha sa Pangasinan, maraming fishpen at fishpond ang umapaw kaya nakatakas ang mga isda. Ang bigas, ganun din. Binaha ang mga palayan, kaya milyun-milyong pisong halaga ng palay ang nasira. Mapipilitang mag-angkat ng bigas ang gobyerno para lang hindi magkulang ang suplay ng bigas. Ang sektor ng agrikultura ang matinding tinamaan ng bagyong Lando. Masama na ang sitwasyon dahil sa El Niño, dumating naman ang ulan pero sobra-sobra naman. At ngayon, may mga lugar na matindi pa rin ang tagtuyot kahit dumaan na ang bagyong Lando.
Humihingi ng tulong ang mga magsasakang nasiraan ng mga tanim. Nawala ang kanilang hanapbuhay dahil sa baha na tumama sa kanilang taniman. Ang inaasahang ani ay nawala na lang. Ngayong humupa na ang baha sa maraming lugar, puwede na dapat taniman muli, pero kulang na ang pambili ng binhi, pataba at kung ano pa. Dito dapat makatulong ang gobyerno. Kailangang makabangon ang mga magsasaka. Pero hindi sila makakabangon nang husto kung uutang sila sa mga mapagsamantalang nagpapahiram ng pera. Mataas na interes na mahirap nang bayaran dahil nawala nga ang buong ani sa bagyo. Mabuti sana kung maganda ng panahon. Sugal din talaga ang pagsasaka, dahil hindi talaga malalaman ang lagay ng panahon.
Mainit na naman ang panahon, kumpara noong nakaraang linggo na halos araw-araw ay umuulan. Bagama’t nadagdagan ng tubig ang mga dam sa Luzon, kung hindi magpapatuloy ang pag-ulan ay baka bumaba muli ang mga lebel ng tubig at magkulang pa rin sa susunod na taon. Sana matapos na ang El Niño na ito.
- Latest