Itim na Sundalo sa Phil-Am War?
MAY African-American soldiers ba kamo sa Philippine-American War? Opo, merong mga sundalong African-American na ipinadala rito. Ayon sa librong A War of Frontier and Empire ni David J. Silbey, nag-identify ang mga sundalong itim sa mga Pilipino. Pareho nilang kinamumuhian ng mga puting sundalo. At pareho silang biktima ng racial discrimination.
Dagdag pa ni Howard Zinn, nagalit ang mga sundalong itim sa salitang “nigger.” Ito kasi ang ginamit ng mga puti bilang paninira sa mga Pilipino. At matalino rin ang mga Pilipino. Sa mga posters, ipinaalala nila sa mga itim ang pahirap na ginagawa sa kanila sa Amerika. Mula 1889 hanggang 1903, dalawang mga itim linggu-linggo ang kinukuyog, binubugbog, at sinusunog ng mga puti. Hinikayat ng mga Pilipino ang mga itim na huwag kumampi sa mga imperyalistang puti. At nagtagumpay sila! Maraming itim ang sumampa sa bakod ng mga Pilipino.
Isa rito si David Fagan ng 24th Infantry. Sumali siya sa Philippine Insurgent Army at dalawang taong kinalaban ang mga Amerikano. Sa Amerika naman, hindi lamang mga itim, kundi pati mga lider ng simbahan at prominenteng tao ay laban sa Philippine-American War. Kasama nila ang popular na writer na si Mark Twain. Sinabi ni Twain na hindi “nakaupo sa kadiliman” ang mga Pilipino kundi isang sibilisadong rasa. Hindi raw kailangan ng mga Pilipino ang Amerika. Idinagdag pa ni Bishop Henry M. Turner na ang mga Pilipino’y mga “patriots.” Hindi raw dapat nilusob ng Amerika ang Pilipinas.
Noon at ngayon ay mainit na isyu ang pakikialam ng Amerika sa Pilipinas. Sana’y hindi na naman isang patibong ang Enhanced Defense Cooperation Agreement. At nawa’y masenstensiyahan ng murder si Pemberton na pumatay diumano kay Jennifer Laude. Kapag lumusot ang mga ito, wala na namang nagbago sa lampas 100 taong relasyon ng Amerika at Pilipinas.
- Latest