Dropball
PAMILYAR ba kayo sa larawang ito? Ito ang larong Dropball na kinagigiliwan ng mga sugarol sa Laong Laan, Sampaloc, Manila. In na in umano ito sa opisina ni Manila Police District Director C/Supt. Rolando Nana kung kaya untouchable ang financiers na sina Aling Mely, Kate Tumboy at broker na si Marissa. Ang ipinagmamalaki pa nitong si Marissa na nakatimbre umano siya kina Tabatsoy at Sunog Baga sa MPD Press Corps kung kaya ang operasyon ng sugal lupa sa Sampaloc ay di kayang buwagin ninuman. Maging pala ang mga Barangay Tagay este Barangay officials na nakakasakop sa sugalan ay paldo rin ang naisisislid sa bulsa kung kaya pikit mata ito sa pagtatangkilik ng mga menor-de-edad na mananaya. Ang masakit naglilipana ang mga durugista sa kapaligiran ng Sampaloc dahil libang na libang ang mga kapulisan ni Supt. Mannam Muarip sa pagbibilang ng barya-baryang parating mula sa operasyon ng Dropball ni Aling Mely, Kate Tumboy at Marissa. At dahil nga naglipana ang mga durugista sa Sampaloc natural na marami rin ang krimeng nagaganap tuwing sasapit ang dilim.
Sino pa nga ba ang pagsusumbungan ng mga taga-Sampaloc kung ang kapulisan ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ay nakikinabang sa Dropball? Di ba wala mga suki! Kaya ang reklamo nila ay nais na nilang iparating kay DILG secretary Mel Senen Sarmiento, PNP chief Ricardo Marquez at NCRPO director C/Supt. Joel Pagdilao. Nais din nitong aking mga kausap na balasahin na ang mga opisyales ng MPD dahil karamihan sa mga ito ay over staying na at ang ilan pa nga ay pasok na sa operasyon ng illegal gambling, putahan at droga. Kung sabagay may katwiran ang aking mga kausap dahil kung babasehan ang larawan ng operasyon ng Dropball sa Laong Laan masasabi ko na bulag, pipi’t bingi nga ang mga taga-MPD. Paano naman lantaran na ang sugal lupa sa kalye subalit walang nakikita ang mga pulis. Kailangan pa bang ikumpas ni P-Noy ang uuga-ugang kamay na bakal kay Nana para kumilos ang Manila’s Finest sa isyu? Kung gugustuhin ni Nana na matigil na ang mga reklamong kumukulapol, madali lamang iyan dahil abot tanaw na ito ng kanyang mga Doberman na sina Sandoval at Shornack, sayang naman ang P50k weekly na papogi points niyang ipinamamahagi sa mga hao shiao media ng MPD Press Corps. Abangan!
- Latest