Hotspots
Karaniwan na sa mga pang-araw araw na ulat ng tri-media ang hotspot na balita tungkol sa mga personalidad na tinatayang hahabol sa pinakamatataas na posisyon sa 2016. Kahapon lamang ay pinagpistahan ang mga mala-trahedyang public statements ng dalawang elected contenders na sina VP Binay (drama raw ang DAP investigation ng Ombudsman kina P-Noy at Sec. Abad) at Sen Poe (ang kanyang pagluha sa bahagi ng speech niya tungkol sa karanasan ng mga katulad niyang inampon) at ang komedya ng non-elected contender na si Sec. Mar Roxas (totoo nga raw na may inhouse survey ang LP kung saan nilamangan na niya sa VP Binay).
Habang nakasubaybay ang madla sa bawat kilos ng tatlo (tulad ng pagkahumaling ng masa sa bawat galaw ng AlDub), tahimik na nagtatrabaho ang ilan pang mga lingkod bayan upang ihatid sa bansa ang ipinangakong serbisyo. Si Sen. Bongbong Marcos ay patuloy na nilalagyan ng mahigpit na probisyon ang draft BBL para hindi maabuso ang mga pondo nito; si Sen. Alan Peter Cayetano ay tumindig upang ipagtanggol ang mga media practitioner laban sa karahasan; at si Sen. Chiz Escudero ay umalma na sa pagwawalang halaga ng marami sa ating mga batas laban na nagbibigay proteksyon sa ating likas yaman.
Sa lahat, mukhang ang isyu ni Senator Chiz ang pinakamababa ang rating pagdating sa interes ng mga tagamasid na sabik na sabik na sa nalalapit na sabong ng mga lalahok. Subalit hindi nangangahulugang kapos din ito sa kahalagahan. Ang proteksyon ng ating environment ay higit na importante sa mga diskusyon tungkol sa isyu ng pulitika na tumutukoy lang sa kasalukuyang mga problema. Utang natin sa kinabukasan ng ating mga anak na siguruhin na may maiiwan pa tayo sa kanilang kalikasang magbibigay ng maginhawang pamumuhay. Kabilang tayo sa 25 pinakadelikadong lugar o hotspot sa mundo kung saan ang mga species na tanging sa lugar natin matatagpuan ay walang humpay na nauubos dala ng pagkasira ng kanilang natural habitats dahil sa illegal logging, mining, quarrying at kaingin, polusyon, oil spills, wildlife poaching, illegal trade, at iba pa. Ang tarsier, Philippine eagle, waling-waling, camia ay ilan lang sa mga halaman at hayop na nalalapit sa peligro.
- Latest