^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Panatilihin ang gumagawa, patalsikin ang pabaya

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Panatilihin ang gumagawa, patalsikin ang pabaya

PINAGBITIW lahat ni President Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang Gabinete noong Huwebes. Maraming nagulat sa aksiyon ng Presidente na pinagsumite ng courtesy resignations ang mga miyembro ng Cabinet. Kahit ang katatalaga pa lamang niya na opisyal ng OWWA kapalit ng sinibak na si Arnell Ignacio ay nagsumite rin ng courtesy resignation. Kahapon, halos lahat na ng Gabinete ay naghain ng resignation. At kahapon din, apat na Cabinet members ang inihayag ni Marcos na mananatili sa kanilang puwesto. Ibig sabihin ang apat na mananatili sa puwesto ay dumaan na sa matin­ding pagsusuri ng Presidente.

Kung tutuusin, dapat noon pa ginawa ng Presidente ang pag-overhaul sa kanyang Gabinete. Nakapagtataka kung bakit inabot pa ng tatlong taon bago niya naisipang pagbitiwin ang kanyang mga opisyal. Overdue na ang mga ito at nararapat na noong nakaraang taon pa nagsagawa ng mga pagbabago.

Matagal nang naghahangad ng mga pagbabago ang mamamayan at gusto nilang may maramdaman na sa pamununo ni Marcos. Sa loob ng tatlong taong pamumuno, maraming kulang na hinahanap ang mamamayan.

Noon pa dapat nakabili ng murang bigas ang mama­mayan pero ngayon lang naipatupad at kung kailan pa panahon ng election. May ginagawa ba ang Department of Agriculture para magkaroon ng katuparan ang murang bigas? May ginagawa ba para matulungan ang mga magsasaka na maparami ang ani?

Halos araw-araw ay trapik sa Metro Manila. Nasosolusyunan ba ito ng DOTr at MMDA? Laging siksikan sa LRT at MRT. Laging mahaba ang pila.

Problema ang mataas na kuryente at walang patlang na pagtaas ng gasolina at krudo. Nagagawa ba ng Department of Energy ang trabaho nila?

Maraming kalsada ang lubak-lubak na nagiging da­hilan ng trapik at pagkasira ng mga sasakyan. Lagi nang problema ang baha sa Metro Manila. Mahusay bang nagagam­panan ng DPWH ang kanilang trabaho o balewala ang hinaing ng mamamayan.

Laganap ang illegal mining at halos butas-butas na ang mga bundok. Kapag panahon ng tag-ulan at tagbaha, naguguho ang mga bundok at inililibing nang buhay ang mga taong nakatira sa paanan. Laganap ang illegal logging at paghuhukay sa mga ilog. May ginagawa ba ang DENR para mapigilan ang mga ito?

Maraming manggagawa ang inaapi ng employer na pinagtatrabaho nang labis-labis sa oras subalit walang magawa dahil natatakot. Nasusubaybayan ba ito ng DOLE? Maraming nangyayaring katiwalian sa DepEd subalit walang napaparusahan.

Tama ang hakbang na pagbitiwin lahat ng Cabinet members. Piliin ang gumagawa at sipain ang pabaya.

GABINETE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with