Huwag pigilin ang pagbabago
BAHAGI ng modernisasyon ang pagbabago. Ngunit karaniwan sa mga tao ang takot sa pagbabago sa sistema na ang layunin ay makaagapay sa mabilis na pag-unlad ng daigdig.
Balak ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa pamumuno ni Director General Joel Villanueva na bigyan ng karampatang training ang mga naghahakot ng basura. Ibig sabihin, layunin nito na ma-professionalize ang garbage collection at magkakaroon ng mabuting sistema sa kapakanan ng tao at ng kapaligiran.
Nangangamba ang mga “nangangalakal” ng basura na baka mawalan sila ng hanapbuhay. Bakit? Ayon kay Carlito Badion na secretary general ng samahang KADAMAY, ito raw ay insulto sa mga naninirahan sa mga slum areas na naghahangad din naman ng mas disenteng trabaho. Natatakot din daw sila na mawalan ng hanapbuhay dahil ang pagsasanay na plano ng TESDA ay nangangahulugan na kukuha pa ng lisensya ang nasa ganitong uri ng trabaho. Hindi raw nila afford ang pagkuha ng ganyang lisensya.
Pero kung pakakasuriin natin, mabuting magkaroon ng propesyunalismo sa paghahakot ng basura dahil bukod sa pagkakaroon ng tamang sistema, mapapangalagaan pa ang kalusugan ng mga nasa ganitong industriya. Malay niyo, baka mabigyan pa sila ng health insurance.
Sa matagal na panahon ay kalunus-lunos ang kalagayan ng mga tinatawag na informal settlers o squatters. Noong panahon ni Marcos hanggang sa panahon nina Cory Aquino at Fidel Ramos, ipinagpatayo sila ng pamahalaan ng disenteng condo units sa Balut, Tondo. Hindi nagtagal, nasalahula ang mga tahanan at nagmukha na ring naglalakihang barung-barong. Hindi ko nilalahat pero may mga kababayan tayong hindi nagpapahalaga sa mga pagbabagong ibig gawin sa kanila ng pamahalaan.
Imbes na matuwa ay iniisip nila na sila’y inaapi o inaalisan ng karapatang maghanap-buhay. Batid ko na may mga non-government organization na tumutulong sa mga kababayan nating ito. Sana sa pamamagitan ng mga NGOs na ito ay maipaunawa sa kanila ang pangangailangan sa reporma para magtuluy-tuloy ang kaunlaran ng ating bansa. Isa lang naman ang dapat na layuning isusulong ng pamahalaan. Ito ay ang pagkakaroon ng maunlad ng ekonomiya na walang naghihirap.
- Latest