Resibo, requirement sa promotion ng pulis! —Torre
ANG lahat ng pulis na gustong magpa-promote ay dapat magpakita ng resibo. Ano ba ang resibo? Sa kanyang first flag ceremony, ipinaliwanag ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III na ang resibo ay ang affidavit of arrest. “So sa mga rank-and-file, sa mga patrolman natin, sa corporal, and sergeants and sa mga lieutenants natin na nagpapa-promote, isang malaking metrics ang points ng affidavit of arrest,” ani Torre.
“Kung gusto n’yo ma-promote, affidavit of arrest isa sa mga ipapakita natin, isa sa ire-require natin,” ang dagdag pa ni Torre. Inamin ni Torre na ang pag-aresto ng suspects na walang warrant ang pinakamahirap na trabaho ng pulis. Kaya nagsadya siya kahapon sa Commission on Human Rights para ipaliwanag ang kanyang metrics sa aspeto ng paramihan ng huli ng mga police commanders. Hehehe! Ang sakit sa bangs nito!
Sinabi ni Torre na hindi lang naman ang mga PNCOs ang hihingan ng resibo sa kanilang promotions kundi maging ang mga commanders. Iniutos ni Torre sa Directorate of Personnel and Records Management na ang lahat ng opisyal na gustong ma-promote bilang commanders ay magsumite rin ng resibo sa kanilang promotion papers.
“So paano ka maging commander kung hindi ka pa nakahuli ng kriminal?” ang tanong ni Torre. Iginiit ni Torre na “failure is not an option” para sa PNP sa ilalim ng kanyang liderato. Kaya’t ipapairal n’ya sa Command Group, Directorial Staff at Command Chain ang ilang imperatives na kinakailangan at siguruhing ma-implement. Eh di wow! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon kay Torre, hindi na dapat pag-argumentahan, ang trabaho ng pulis na umiikot lamang lahat sa PNP mission.
“The PNP shall enforce the law, prevent and control crime, maintain peace and order, ensure public safety and internal security with the active support of the community,” aniya. Hayan, maliwanag na sa inyo ‘yan mga kosa ha? Paano ipapatupad ang mga ito?
“Isa lang din ang sagot , alisin lang ang kriminal sa ating mga communities, alisin ang mga kriminal sa kalsada, ‘yun lang wala ng iba,” dagdag pa ni Torre. Ang lahat nang inarestong kriminal, aniya, ay dapat dalhin sa korte, at kasuhan hanggang sa ma-convict ito. Walang planting of evidence at higit sa lahat walang patayan. Araguyyy! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Nagkuwento pa ng tatlong insidente si Torre kung saan ang mga complainants sa kaso ay pinapasa-pasahan. Sa ngayon, a big no-no na ito.
“Kapag pumasok ang isang tao sa ating mga istasyon tulungan natin. Huwag natin iwanan, huwag natin pabayaan, huwag natin ituro sa kung saan,” ani Torre. “Kung kinakailangan na sila ay ilipat natin kung ang kanilang concern kayo ay police station, carnap ang nangyari kailangan dalhin sa HPG, Samahan sa HPG. Escort n’yo, pasakayin sa patrol car, escort sa HPG at sabihin properly endorsed,” ani Torre.
“Kung tingin niyo barangay case dalhin sa barangay pero samahan ng ating kapulisan, kung sino ang unang naka take cognizance, kung sino ang pinagreportan,” ang bilin pa ni PNP chief. Mismooo!
Hinimok ni Torre ang kapulisan, lalo na ang mid-level at top-level officers, na tulungan s’ya upang mag-deliver ng serbisyong nararapat sa mga Pinoy. Abangan!
- Latest




















