‘Infra watchdog’
ANUMANG programa, aktibidad at proyekto o projects, activities and programs (PAPS) ng gobyerno laging may kaakibat na pondo.
Binubuhusan ng milyones mula sa kaban ng bayan na dapat alam at nababantayan.
Hindi pa man sinisimulan ang programa ito man ay sa sektor ng turismo, agrikultura, enerhiya, transportasyon, kalsada at iba pang ahensiya, dapat nalalaman na ang espisipikong proyekto at lugar na pagtatayuan nito. Nang sa ganun magdadalawang-isip ang mga tiwali at kurakot na “tagasilbi” nating mga “boss” na magkawat sa pera ng taumbayan.
Hindi ganun kadali ang magnakaw dahil mayroong mga nangangamoy, nagmamasid at nagbabantay na grupo at indibidwal sa bawat probinsya o mga “infrastructure watchdog.”
Kaya nga ang kinukuwestiyong P3 trilyong pondo sa taong 2016 pinag-aaralan pa rin sa Lehislatura. Ang bibilis kung humihingi ng national budget ng administrasyon pero ang implementasyon ng proyekto kilos-pagong. May mga pumipreno sa pag-release ng pondo.
Naniniwala ang BITAG Live na para umunlad ang isang bansa, kailangang may maayos na pamumuno, pangangasiwa at nakikita na ang gobyerno ay may pananagutan sa mga mamamayan.
Good governance, transparency at accountability kung tawagin ito ng pangulo sa adbokasiya niyang tuwid na daan.
Ang problema, sila sila lang, kung sino ang mga nakaupo, sila lang ang nakakaalam sa mga pondo at kaganapan at ayaw ilabas sa taumbayan.
Nauna nang nanawagan ang World Bank sa mga bansang pinapautang nila na dapat gising at nagmamasid ang mamamayan. Kinakailangang magkaroon ng infrastructure watchdog o mga magbabantay sa mga proyektong pina-plano at ilulunsad pa lang.
Matagal ko ng binabanggit sa aking programa na dapat maipasa na ang Freedom of Information Bill (FOI).
Ang problema, hindi ito prayoridad at hindi binibigyang importansya ni P-Noy dahil kontra ang kanyang mga amuyong sa Kongreso. Ang masaklap pa, hindi niya man lang ito binanggit sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest