Pagmimina sa Kalinga, hindi nararapat!
NAHAHARAP sa masalimuot na kabanata ang Kalinga sa napipintong pagbubukas ng Batong Buhay Mines sa susunod na taon. Ang minahan ay pangangasiwaan ng Makilala Mining Company Incorporated (MMCI). Saklaw sa pagmimina ang mga barangay ng Pasil, Maalinao, Caigutan, Biyog, at Guinaang.
Sa kabila na may pahintulot ng pamahalaan ang pagbubukas nito noong 2023 sa ilalim ng Mineral Production Sharing Agreement (MPSA), nagpahayag ng pangamba ang mga mamamayan sa epekto ng pagmimina sa ilog ng Pasil at Chico.
Nagawaran na rin ng Certification Precondition (CP) mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang MMCI at pormal nang pinagkasunduan sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement ng MMCI at miyembro ng Balatoc Indigenous Cultural Community (BICC) na pumanig sa MMCI.
Subalit nangamba ang mamamayan ng Kalinga nang iulat ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) na humigit-kumulang 4,700 puno ang mapipinsala sa pagmimina.
Naalala ng mga katutubong Kalinga ang karima-rimarim na karanasan ng matinding polusyon sa ilog Pasil at Chico dahil sa mine tailings nang mag-operate ang Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong 1980. Lubha itong nakaapekto sa pagsasaka sa Tabuk City, Pinukpuk, Mallig at Quezon sa Isabela.
Nagdulot ito ng krisis sa produksyon ng bigas dahil sa matinding siltasyon sa ilog. Labis din ang naging epekto sa ekolohiya ng Kalinga gaya ng pagkawala ng iba’t ibang uri ng isda na mahalaga sa kabuhayan ng mangingisda at magsasaka.
Ayon naman sa MMCI, maiiwasan ang pinsala sa kapaligiran at agrikultura ng Kalinga at karatig-lugar dahil gagamit ito ng mga makabagong pamamaraan at siyensiya sa pagmimina ng ginto.
Magbabakasakali ba uli ang mamamayan ng Kalinga na minsan nang winasak ng Batong Buhay Gold Mines Incorporated (BBGMI) noong 1980?
* * *
Para sa reaksiyon i-send sa: [email protected]
- Latest