Lagutin ang tanikala
ANG sacred cow ay pinagpalang nilikha o bagay na pinagkakalooban ng espesyal na pabor ng otoridad kahit mayroon itong maling ginagawa.
Nanlumo ako at nanlupaypay sa nakaraang SONA ng Presidente dahil talagang itinuturing niyang sacred cow ang mga walang pusong kapitalista na patuloy na ipinaiiral ang limang buwang kontrata sa kanilang libu-libong manggagawa na kulang na lang ay tawaging “alipin” ng mga namumuhunan.
Ang akala ko, dahil 11 buwan na lamang siya bilang Presidente, hahanguin niya ang 15 milyong manggagawa na biktima ng immoral, illegal at mapang-aping kontraktuwalisasyon.
Ngunit ako ay nagkamali. Dahil hanggang sa huling sandali ng kanyang pamamahala, patuloy niyang binibigyan ng espesyal na pagtrato ang mga kapitalistang patuloy na binibiktima ang kanilang manggagawa sa pamamagitan ng pananatili nilang kontraktuwal.
Talagang mahal na mahal niya ang mga sacred cow na kanyang pinagpala sa kadahilanang siya lamang ang tanging nakaaalam. Kung totoo na siya ay makamahirap bakit ayaw niyang lagutin ang tanikala ng pagkaalipin ng 15 mil-yong kontraktuwal sa kamay ng mga gahamang kapitalista?
Higit niyang pinahahalagahan ang mga kapitalista na iilang libo lamang ang bilang kaysa 15 milyong manggagawang kontraktuwal na nabubuhay sa matinding pagdarahop.
Dahil ba sa siya ay anak-mayaman, nasanay na nabuhay sa karangyaan kaya hindi talaga niya madama ang kahabag-habag na kalagayan ng mahihirap? Hindi niya alam ang matinding hirap ng isang mahirap.
- Latest