Cabinet execs dumalo sa Senate hearing ni Imee
MANILA, Philippines — Dumalo sa ikatlong pagdinig ng Senate on Foreign Relations na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos ang ilang miyembro ng Gabinete na inimbitahan upang magbigay ng linaw sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nasa detention facility ng International Criminal Court.
Kabilang sa mga dumalo sina Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo at Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac. Dumalo rin si PNP Chief Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group chief Nicolas Torre III at PNP spokesperson Jean Fajardo.
Pinanindigan ni Remulla na nasunod ang due process sa pag-aresto kay Duterte. Ikinatuwiran ni Remulla na pitong taon nang iniimbestigahan ang isyu ng war on drugs na ipinatupad ng nakaraang administrasyon at nagbigay naman aniya ng “notices” sa mga kinauukulan at mga iniimbestigahan para makasagot sila.
Kinuwestiyon naman ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kung saan nakuha ni Remulla ang impormasyon na pitong taong binigyan ng pagkakataon na sumagot ang mga inirereklamo sa ICC.
Sinabi ni Remulla na sa pagkakaalam niya ay sinubukang kausapin ang mga akusado at kalakaran na aniya kahit anong korte na bigyang pagkakataong sumagot ang tao sa mga paratang sa kanya.
Tinanong ni Marcos si dela Rosa kung binigyan siya nang pagkakataon na sumagot sa mga akusasyon sa kanya.
Inamin naman ni dela Rosa na may mga nag-communicate sa kanyang tanggapan pero hindi niya sinasagot o kinakausap ang mga taga-ICC.
- Latest