Sagot ni Noy sa ‘boo’ uboo!
KUNG hindi ako nagkakamali, nagkaroon ng siyam na episodes ng pag-ubo si Presidente Aquino na umistorbo sa kanyang mahigit sa dalawang oras na State of the Nation Address (SONA).
Habang sa labas ng Batasan Pambansa ay nagpoprotesta ang mga militanteng grupo at binu-boo ang Pangulo, siya naman ay dinadalahit ng ubo. Hindi ko layon na laitin ang ating Presidente. Nagmamalasakit lang. Hindi pa rin kasi tinatantanan ng Pangulo ang paninigarilyo na alam na nating masama sa kalusugan lalo pa’t ang nagyoyosi ay chain smoker.
Bawat mamamayan ay may karapatang punahin, kahit pagbawalan si PNoy sa kanyang bisyo dahil siya ang Pangulo. Ang masamang mangyayari sa kanya dulot ng kanyang bisyo ay makakaapekto sa ating lahat.
Sa editorial office ay nanonood lang ako sa telebisyon. Matamang pinakikinggan ang kanyang mensahe sa kanyang huling SONA. Muntik akong malaglag sa upuan. Kasi ang pambungad niya ay banat at paninisi agad sa nakalipas na gobyernong Arroyo. Nabuksan uli ang isyu sa “Hello Garci”, Jose Pidal at iba pang kapalpakan ni Gloria.
Napansin din ito ng marami lalo na si dating Presidente Ramos. Iisa ang opinion namin ni FVR: Maganda sana kung ang pinagtuunang pansin na lang ay yung mga nagawa ng kanyang administrasyon at hindi na sinisi yung mga administrasyong nauna sa kanya. Pati ang kapalpakan ng MRT na nangyayari ngayon ay kay Gloria isinisi.
Maaaring kasalanan nga ng nakaraang gobyerno pero tingin ko, hindi na kailangang banggitin pa yon para hindi lumilitaw na humahanap siya ng butas para lusutan ang sariling kakulangan. Ok, may pag-aalinlangan man tayo’y tanggapin na natin ang ipinagmamalaki niyang mataas na rating na ibinibigay ng mga international institutions sa ekonomiya ng bansa.
Pero nagdudumilat ang katotohanan na maraming mamamayan ang naghihirap pa rin hangga ngayon. Para sa mga taong ito, ang sukatan ng ekonomiya ay ang dami ng pagkain at ibang pangangailangan sa bawat pisong nasa palad nila. Ngayon ako naniniwala na ang pagiging matuwid ay hindi sapat para maging epektibo ang leader. Sa kaso ni PNoy, hindi niya makontrol ang sariling katiwalian ng kanyang sariling opisyal at iyan ay indikasyon ng mahinang liderato.
- Latest