Madaling magsalita
IKINATUWA ng bansa ang lumalawak na pagbatikos sa ginagawang pag-aangkin ng China sa buong karagatan. Kasama na riyan ang US, European Union, Australia, Japan at ibang mga bansa ng ASEAN. Kailan lang ay inilabas ng US Pacific Fleet ang mga litratong nakuha habang lumipad sa ilang bahagi ng karagatan kung saan aktibo ang China sa pagtayo ng mga istraktura, bukod pa sa paggawa ng mga bagong isla. Mismo ang Commander na si Admiral Scott Swift ang nakasakay sa P-8A Poseidon na eroplano na umikot ng pitong oras sa lugar. Walang binanggit kung pinagsabihan muli sila ng China na umalis sa lugar.
Umandar na rin ang kasong isinampa natin sa UN. Nasa The Hague sa Netherlands ang ilang mga kinatawan ng bansa, pati na rin mga abogado, para ipagtanggol ang ating posisyon hinggil sa karagatan base na rin sa UNCLOS. Hindi nakibahagi ang China sa nasabing pagdinig. Sa kanila naman daw lahat kaya bakit sila makikibahagi sa isang walang saysay na pagdinig. Binansagan pa ang Pilipinas na nanggugulo lamang sa rehiyon, at sila daw ang biktima. Hindi ko alam kung matatawa ako o magagalit sa pahayag nilang iyan.
Hinihintay na lang natin ang magiging desisyon ng UN at tapos nang maghain ng mga ebidensiya at panawagan ang panig natin. Siyempre, wala kahit anong sagot ang China. Kung sakaling maging pabor sa Pilipinas ang desisyon ng UN, ano ang susunod na gagawin? Sigurado hindi rin ito rerespetuhin ng China. Sigurado magpapakita na naman ng lakas militar at ito lamang ang wika na alam bigkasin. Mapapatupad ba ng UN ang magiging desisyon nito kung sakali? Masasabihan ba nila ang China na itigil ang lahat ng ginagawa sa karagatan? Mauutusan ba ang China na buwagin ang lahat ng ginawang istraktura dahil iligal ito?
Maganda at maraming sumasang-ayon sa ating pananaw hinggil sa problema sa karagatan, lalo na’t idinaan natin sa tamang proseso at hindi sa lakas militar. Pero kapag naibaba na ang desisyon, dapat mapatupad ito. Ang tanong, kung hindi pa rin sasang-ayon ang China, lahat ba ng bansang nagpahayag ng suporta sa Pilipinas ay tutulong para mapatupad ang desisyon? Tulad nga ng sabi nang marami, madaling magsalita, mahirap gumawa.
- Latest