Buong Pilipinas gawing federal
KUNG ano’ng mabuti para sa Moro ay mabuti rin para sa ibang Pilipino. ‘Yan ang linya ng mga nagsusulong ng federal form of government -- pamalit sa kasalukuyang unitarian.
Inehehemplo nila ang Bangsamoro Basic Law panukala ng P-Noy admin. Itatatag ng BBL ang Bangsamoro sub-state ng mga Muslim, Kristiyano, at Lumad sa bahagi ng Mindanao. Meron itong sariling parliament, sa ilalim ng chief minister at halal na gabinete. Ito ang magtatakda at magpapatupad ng mga sariling patakaran, direksiyon, at proyekto. May sarili itong pulisya, Commissions on Audit, Elections, Civil Service, at Ombudsman. May kapangyarihang magpataw ng sariling buwis. At hiwalay sa mga alituntuning ng budget department.
Anang Malacañang, ito’y political settlement na susi sa kapayapaan sa Muslim Mindanao.
Heto nga lang ang problema. Tinuturing na unconstitutional ang BBL dahil taliwas sa itinakdang unitary form of government. Mali kasi ang paraan ng pagsulong nito. Batas lang ng Kongreso, imbis na constitutional revision ng taumbayan. Malamang ay ibasura ito ng Korte Suprema. Kung nagkataon, patay na ang BBL.
Para maisalba ang BBL, gawin dapat itong pambansa imbis na pangrehiyon lang. Magpanukala na mismo ng constitutional revision tungo sa federal form. Bukod sa Bangsamoro, gawin na rin sub-state ang 16 pang ibang rehiyon: Ilocandia, Cordillera, Katagalugan, Bicolandia, Ilonggo, Bisaya, Waray-waray, atbp. Lahat pahintulutan bumuo ng sariling regional parliaments, pulisya, independent commissions, pagbubuwis, pagtatahak ng sariling landas. Idaan lahat ito sa plebisito. Kung manalo ang federal form, walang magagawa ang Korte Suprema kundi itaguyod ang pasya ng mamamayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest