^

PSN Opinyon

‘Nasaan ang bangkay?’

- Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

PINATATANGGAL isa-isa ang saplot at inuutusan mong hawakan ang kanyang katawan habang ikaw ay nakapanood lamang. Ganito ang makabagong paraan ng pagtatalik na tinatawag nilang ‘virtual sex’.

“Inaaya niya akong maghubad sa camera at magsarili, umayaw ako. Sa tuwing hindi ako pumapayag sinasabihan niya na ako ng masasakit na salita,” wika ni Ann.

Labing pitong taong gulang pa lamang noon si Jolly Ann Virgines-28 nang makilala niya si Marnie “Pauk” Virgines. Inimbita sila sa isang piyesta  sa San Fernando, Pampanga.

“Ang kaibigan ni Mama kumpare niya. Mabait siya at mukhang disente. Simula pa lang alam kong gusto niya na ako,” pahayag ni Ann.

Mula nun bumibisita na si Pauk sa kanila sa Pangasinan. Malimit din daw iniimbita si Ann ng mga magulang ni Pauk nung umuwi ito sa Pilipinas.

“Nasa Amerika nakatira ang mga magulang niya. Pangako nila sa ‘kin dadalhin nila ako doon,” wika ni Ann.

Nung bandang huli si Ann na ang malimit magpunta sa bahay nina Pauk. Makalipas ang ilang buwan nagsama na ang dalawa.

Hindi raw nagtatrabaho si Pauk dito sa Pilipinas at sa padala lamang ng mga magulang sila umaasa ni Ann.

Setyembre 2004 nang mabuntis si Ann. Nagkakaroon lang daw sila ng hindi pagkakaunawaan ni Pauk kapag umiinom ito.

Mayo 25, 2005 nang manganak siya. Pamilya ni Pauk ang gumastos ng lahat. Ilang buwan ang nakalipas nagpasya si Pauk na pumunta na ng Amerika dahil matagal na rin naman siyang pinetisyon ng mga magulang.

“Ako ang nag-ayos ng pasaporte niya. Dun ko nakita na malaki ang agwat ng edad namin. Mukha kasi siyang bata,” pahayag ni Ann.

Tinanong niya ito kung bakit siya nagsinungaling at sagot nito nahiya umano ito dahil baka umayaw na si Ann sa kanya.

Lumipad papuntang Amerika si Pauk noong Disyembre 6, 2006. May pinapapirma raw sa kanyang ‘travel documents’ at isasama raw ang kanilang anak. Hindi pumayag si Ann.

Nangako na lamang si Pauk na kapag naayos na ang lahat kukunin silang mag-ina. Hindi raw kasi sila pwedeng magpakasal sapagkat single ang nakalagay sa petisyon nito.

“Araw-araw kaming nagkakausap. Tumatawag siya sa ‘kin minsan naman nagkaka-chat kami,” ayon kay Ann.

Nang makakuha ng ‘green card’ si Pauk nagtrabaho na ito sa Electronics Company. $300 ang pinapadala nito kada buwan sa kanya. Tumaas lang ito ng $500 nang mag-aral ang kanilang anak.

“Taong 2009 umuwi siya rito. Nagpakasal kami sa City Hall. Wala pang isang buwan umalis na siya ulit dahil yun lang ang ibinigay na bakasyon nung pinagtatrabahuan niya,” salaysay ni Ann.

Taong 2012 niyaya siyang maghubad ni Pauk sa harapan ng camera. Hindi pumayag si Ann at sinabihan ang asawa na kung gusto niya umuwi siya para magsawa siya.

“Mula nun inaaway niya na ako. Sinasabihan niya ako na baka raw may lalaki ako kaya ayaw ko. Dun sa bahay nila ako nakatira at nakapaligid sa akin ang mga kamag-anak niya,” wika ni Ann.

Nang magbakasyon sila ng kanyang anak sa bahay ng mga magulang tuluy-tuloy pa rin ang sustento at komunikasyon nilang dalawa.

Enero 2014 tumawag sa kanya ang kapatid na bunso ni Pauk sa halip na ang asawa ang makausap. “Huwag kang mabibigla nasa ospital si Kuya,” sabi nito.

Kinabahan si Ann dahil usapan nila ng mister uuwi ito ng Mayo 2014. Nung panahong yun dun na siya tumira sa kanyang mga magulang sa Pangasinan dahil ayaw na umano siyang pabalikin ng mga ito sa Pampanga.

Makalipas ang isang oras tinawagan ulit si Ann at sabihin na raw nila ang lahat ng gusto nilang sabihin kay Pauk dahil baka ito na ang huli nilang pag-uusap. Idinikit umano ang telepono sa tenga nito.

“Sabi ko sa kanya lumaban siya. Huwag niya kaming iiwan. Hinihintay namin siya ng anak niya,” ayon kay Ann.

Ilang sandali lang ang ina na ni Pauk ang nakipag-usap sa kanya. “Magpa­katatag ka para sa anak mo. Hindi na kinaya ng asawa mo.”

Ang usapan nila ay iuuwi raw nito ang abo at nangako pang hindi sila papabayaang mag-ina. Nagtanong din si Ann sa panganay na kapatid ni Pauk kung pwede niya makita ang bangkay. Titingnan daw nito kung ano ang magagawa nila ngunit hindi naman siya pinapunta.

“May 2014 umuwi ang biyenan ko pero hindi niya dala ang abo,” pahayag ni Ann.

Matapos matanggap ni Ann ang mensahe sa FB nagpunta na sila ng Pampanga kasama ang kanyang anak. Ayon sa biyenan hindi pa raw naayos ang ilang dokumento sa pag-uuwi ng abo at magastos daw ito.

Nung gumagabi na sinabihan umano siyang ang anak lang daw ang maaaring matulog dun. Kung gusto niya iwan niya muna at balikan na lamang.

“Hindi ako pumayag at umuwi kami. Nung simula pa rin na magkita kami may tensiyon na. Yung mga gamit ko itinapon nila hindi man lang pinauwi sa ‘kin,” kwento ni Ann.

Nais malaman ni Ann kung talagang namatay na ang kanyang asawa dahil hindi naman siya binigyan ng kopya ng death certificate nito. Ang sustento raw sa kanyang anak ay kailangan pa nilang itawag para mabigyan.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Ann.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, upang malaman ang katotohanan sa pagkamatay ni Pauk nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Sumulat si Usec. Seguis sa ating Consul General sa California na si Jaime Ramon T. Ascalon. Sa ulat ni Consul Gen. Ascalon nung simula ay ayaw makipag-usap sa kanila ng kapatid ni Pauk na si Ahmed at kinausap nila ang Ventura County Sheriff upang puntahan ang tahanan nito at maipaalam na nais siyang makausap ng Philippine Consulate tungkol sa pagkamatay ni Pauk.

Ang Ventura Deputy Sheriff Juan ang nakipag-usap kay Ahmed at sa ina nito. Kinumpirma nila na patay na nga si Pauk. Sinagot din ni Ahmed ang ilang katanungan ng ating embahada. Regular daw na nagpapadala ang kanyang ina kay Ann ng $200 bawat buwan. Ayaw daw makipag-usap ni Ann kay Ahmed at sa kanyang ina. Nang manghingi sila ng kopya ng death certificate sumagot si Ahmed na hindi sila magbibigay sa kahit na kaninong third party ngunit ibinigay naman nila ang pangalan ng ospital kung saan ito namatay. Ang Los Robles Medical Center. Gusto rin daw ni Ahmed na maayos ang usaping ito direkta sa pagitan nila ni Ann. Nais niya ring makapagbigay ng pahayag sa media tungkol dito.

Nangako rin ang Ventura County Sheriff na pupunta ang ating representative ng embahada sa ospital upang alamin kung totoo ang lahat ng sinasabi ng pamilyang ito. (KINALAP NI CHEN SARIGUMBA) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. I-like ang www.facebook.com/tonycalvento.

AHMED

ANN

LEFT

NIYA

PAUK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with