Lance Makiling
ANG pangalang Lance Makiling ay ngalan ng isang tao, hindi ng bundok. Nakilala ko ang mamang ito noong April 2013 nang interbyuhin niya ako sa kanyang radio program sa DXJM, isang sikat na radio station sa Butuan City na pagmamay-ari ni Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco.
Nagkita kami muli noong September 2013 nang ako ay inimbita niyang magkape sa Pan de Pugon ng Butuan City. Tatakbo raw siya sa pagka-konsehal sa Barangay Baan Riverside kaya inabutan ko siya ng P5,000 bilang tulong sa kanyang kandidatura.
Bukod sa P5,000, binili ko pa siya ng iba’t ibang klase ng tinapay. Kaya lumalabas na dalawang beses lamang kami nagkita ng personal.
Ngunit noong nakaraang linggo, may nagsabi sa akin na binabanatan ako ni Makiling sa kanyang programa sa DXJM. Kesyo ang Rose Movement kung saan ako ang founder at pangulo ay wala naman daw naiitulong sa mga miyembro. Ano kayang masamang hangin ang pumasok sa ulo ng taong ito?
Ang ROSE movement ay itinatag ko dahil mula nung ako ay umupo bilang Kongresista ng OFW partylist noong July 2013, mas maraming tao lalo ang humihingi sa akin ng tulong. Kaya para may sistema sa pagbibigay ko ng tulong, nag-organize ako ng mga civic minded citizens ng Butuan City na bumuo ng ROSE movement sa CARAGA para pag may nangangailangan sa akin ng tulong, sila na lang ang puntahan kasi mas madalas ay nandito ako sa Manila tuwing may session ang Congress.
Ang ROSE movement sa Butuan ay pinangungunahan ni Mr. Edwin Piencenaves bilang Presidente sa CARAGA at ni Mr. Noel Sandigan bilang Executive Vice President. At sila ang makakapagpatunay na marami na kaming natulungan na mga taga-CARAGA hinggil sa iba’t bang pangangailangan nila maging member man sila ng ROSE movement o hindi.
Kung halimbawa si Lance Makiling naman ay kailangan ng tulong ko para panggastos sa pagpa-circumsize, ako naman ay nakahanda rin na tumulong sa kanya. Kaya di ko talaga malaman kung bakit galit siya sa akin. Baka naman akala niya ay may plano akong sumali sa pulitika diyan sa Butuan at nais niyang protektahan ang kanyang mga suking pulitiko sa 2016.
Nais kong malaman n’yo na wala akong balak na sumawsaw sa local politics diyan. Mula pa noong ako ay nag-retire sa gobyerno bilang dollar-earning na diplomat for 15 years at Chairman ng National Labor Relations Commission with cabinet rank noong 2006, ako ay nagsimula na mag-re-establish ng aking residence diyan sa Butuan. At para maliwanag sa lahat na wala akong balak makisawsaw sa local politics ng Butuan City, hindi ako nag-register bilang botante riyan hanggang ngayon. Kaya Lance Makiling, please behave ha.
- Latest