Mamalakaya ng tao
NGAYON ang National Bible Week. Hinihikayat tayo na magbasa tuwina at pag-aralan ang Salita ng Diyos para sa ating espiritwal, moral at sosyal na katatagan ng ating bansa. Basahin natin ang Biblia at isabuhay.
Matapos ang pagsuway ni Jonas sa utos ng Panginoon, hindi siya pumunta sa Ninive sa halip ay sumakay siya ng barko papuntang Tarsis. Nagkaroon nang mala-king unos. Pinag-aralan ng lahat ang kanilang kamalasan. Matapos ang kanilang pagsusuri ay lumitaw si Jonas. Kaya itinapon nila ito sa karagatan. Nilunok siya nang malaking isda at nanatili sa tiyan ng tatlong gabi saka ibinuga siya sa Ninive. Nagsisi si Jonas at sinunod ang utos ng Panginoon. Ipinangaral niya ang pagsisisi. Ipinahayag niyang gugunawin ang Ninive pagkaraan ng 40 araw. Naniwala sila at nag-ayuno. Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasalanan at hindi Niya itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
“Poon, ang iyong landasi’y ituro sa akin”. Ang pagsisi at pagbabalik-loob sa Panginoon ay dapat nating gawin sa halip ang mga makamundong gawain at pagnanasa sapagka’t ang lahat nang bagay sa daigdig ay mapaparam. Isipin natin ang mga unos na nangyayari ngayon sa daigdig. Alalahanin natin ang mga bagyo sa ating bansa. Napakarami ang nasalanta at namatay.
Maging ang ebanghelyo ngayon ang gumigising sa ating tulog na isipan: “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos! Pagsisihan ninyo’t talikdan ang mga kasalanan at maniwala kayo sa Mabuting Balitang ito.” Paghandaan natin ang mga darating na unos at katapusan ng ating buhay. Kaya makisakay tayo sa bangka ni Pedro at samahan natin si Hesus sapagkat sinabi Niya: “Sumama kayo sa akin at kayo’y gagawin kong mamalakaya ng tao”.
Hikayatin natin ang ating kapwa at mga mahal sa buhay upang tulad ng apat na mangingisda ang magkapatid na Simon at Andres at magkapatid na Santiago at Juan ay sumunod kay Hesus. Ang ating pagsakay sa bangka ng buhay ay ating pagtibayin upang maging matatag tayo sa Salita ng Diyos. Anumang malaking alon sa dagat ng buhay sa ating paglalakbay ay maging matatag tayo sapagkat kasama natin si Hesus. Magsisi tayo at sumampalatya sa Kanyang Salita.
Jonas 3:1-5, 10; Salmo 24; 1Corinthian 7:29-31 at Mark 1:14-20
* * *
Sa Enero 28-30 ang 39th year USTCS Class Reunion nina Bishop Rudy F. Beltran sa kanyang diosesis sa La Union.
- Latest