EDITORYAL – Araw-arawin ang raid sa Bilibid
UNANG nagsagawa ng raid ang Department of Justice sa New Bilibid Prison (NBP) noong nakaraang Disyembre 7, 2014 at nakakumpiska ng shabu, marijuana at mga gamit sa communications gaya ng signal boosters, outdoor antennas, repeaters, splitters, distributor, power supply at electrical wires. Nagpapatunay lamang na namamayani ang drug lords sa Bilibid. Patuloy ang negosyo roon at kumakamal ng pera ang mga convicted drug lord.
Pero mas matindi ang natuklasan nang muling sumalakay ang DOJ sa pangunguna ni Sec. Leila de Lima noong Disyembre 15, 2014. Shock si De Lima nang matambad ang magarbong pamumuhay ng 20 convicted drug lords. Nang salakayin ang kubol drug lord na si Peter Co ay may sauna, wide screen TV, Wi-Fi, split type airconditioners at CCTV. Nakakuha rin doon nang maraming pera, mga baril, counting machines, cell phones at shabu. Sa kubol naman ng drug lord na si Jojo Baligad ay may bath tub, life size sex toy, kitchen, bar, family size na kama, inverter airconditioner, refrigerator at microwave oven. Sa kubol naman ng robbery group leader na si Herbert Colangco ay may music studio, generator, mga mamahaling relo, mamahaling wallet na may lamang maraming pera.
Ang pagkakadiskubreng iyon ang naging dahilan para ilipat sa NBI detention center ang 20 VIPs (Very Important Prisoners). Pero maski nang ilipat sa NBI ay patuloy din ang pakikipagtransaksiyon ng drug lords. Nakakumpiska ng P700,000 sa basurahan at tangke ng inidoro. Mayroon din umanong nakumpiskang cell phones sa loob ng detention center.
Hindi pa roon natapos ang ginagawa ng mga drug lord sa Bilibid sapagkat noong nakaraang Enero 7, nang salakayin muli ng NBI ang pambansang bilangguan, nakakumpiska muli sa mga kubol doon ng illegal drugs. Nakumpiska sa kubol nina Gianfranco Pasco, Engelbert Durano at Noel Arnejo ang isang “blue book” na nakatala ang mga transaction. Maraming pangalan pero walang apelyido. Sabi ng NBI, patunay ang “blue book” na patuloy ang drug trade sa Bilibid.
Kung ganito ang nangyayari, dapat araw-arawin na ang raid sa Bilibid. Huwag nang hayaang makapamayani ang mga salot na drug lords. Kung nais ni De Lima na mawala ang drug trade sa Bilibid, sibakin niya ang mga opisyal ng NBP.
- Latest