^

PSN Opinyon

SC na lang ang pag-asa

- Al G. Pedroche - Pilipino Star Ngayon

KORTE SUPREMA na lang ang pag-asa para mapigil ang pagtaas sa halaga ng pasahe sa MRT at LRT. Nagsalita na ang Malacañang. Ang Pangulong Noynoy mismo ang nagbasbas sa ipinatupad na malaking fare increase na ikinagalit ng milyong mananakay. Sabi nga, “utos ng hari, di mababali.”

Palibhasa’y binawasan ang subsidiyang inilalaan ng pamahalaan sa MRT at LRT mula sa P12 bilyon na ginawa na lang P10 bilyon. Kaya ang kabawasan ng subsidiyang ito ang babalikatin ngayon ng pobreng mananakay.

Katuwiran ng Palasyo na ang ibinawas sa subsidiyang ito’y gagamitin sa ibang proyekto ng pamahalaan. Tiyak mapapataas ang kilay ni Juan Pasang-Krus at sasabihing: “Ibubulsa lang iyan ng mga kurakot sa gobyerno.” Hindi naman siguro. Ngunit mapipigil ba ang ganyang hinala sa gitna ng kaliwa’t-kanang balita sa mga nangyayaring pangungurakot sa gobyerno?

Tiniyak naman ni PCOO Secretary Herminio Coloma na may programa ang MRT at LRT para mapahusay ang serbisyo nito.

Aniya, ipapatupad ng MRT ang capacity expansion program upang matiyak na magiging maayos at kom­portable ang mga commuters.

Hindi sapat ang mga ganyang katiyakan para payapain ang nag-uumigting na galit ng mamamayan. Insulto nga naman sa maliliit na taumbayan na kakatiting ang sahod na sa harap ng madalas na pagtirik ng mga tren ng MRT at LRT ay bigla pang tataasan ang pasahe!

Sabi ng mga transport officials, “dapat lunukin ang mapait na pildoras.” Kailangan daw ang “political will” para ipatupad ang fare increase na ito na dapat sana’y noon pa ipinatupad. Naniniwala ako sa political will pero hindi dapat ang maliliit na taumbayan ang masaktan.

Kung may dapat magsakripisyo, ito ay ang pribadong sektor na katuwang ng gobyerno sa pagpapatakbo ng MRT/LRT.

Ngayong may petisyon na ang mga kinauukulang sektor laban sa fare hike  sa Korte Suprema, nawa’y umakto ng positibo sa kapakanan ng nakararami ang ating pinagpipitaganang Hukuman lalo pa’t ang kapakanan ng mga maliliit na mamamayan ang nakataya.

vuukle comment

ANG PANGULONG NOYNOY

ANIYA

HUKUMAN

JUAN PASANG-KRUS

KORTE SUPREMA

SABI

SECRETARY HERMINIO COLOMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with