‘Huwag Ka Magnakaw’: Dignidad natin bawiin
SA LAKAS ng bagong kilusang Huwag Ka Magnakaw, tinamaan agad ang marami. Nakasuot ng T-shirt na Huwag Ka Magnakaw ang isang kasapi habang namimili ng prutas sa bangketa. Nang mabasa ng tindera ang mensahe, umamin siya agad na may daya ang kanyang timbangan. Nakokonsensiya siyang nagdagdag sa binibili. Meron namang mataas na opisyal na, nang makita ang mga naka-”Huwag Ka Magnakaw” T-shirts sa TV news, ay umangal na ginagamit umano ng mga katunggali niya ang Simbahan para sa pulitika. Guilty feelings siguro!
Kunsabagay, mga mandarambong na politiko talaga ang pangunahing pinatatamaan ng Huwag Ka Magnakaw campaign. Daan-daan-bilyong piso na ang ibinulsa nila nitong mga nakaraang dekada. Inubos na nila ang yaman ng bayan. Wala nang natira para sa rescue-relief-rehab sa sakuna, sa basic services na pakain-pagamot-patrabaho-pabahay, sa mabuting imprastuktura tulad ng kalsada, airports, tren, telekomunikasyon, at kuryente. Kaya naman 27 milyon sa 100 milyong Pilipino ang naghihirap, at 18 milyon ang nagugutom. Tama na, sobra na, huwag na sila magnakaw.
Pero para sa lahat din ang ika-pito sa Sampung Utos ng Diyos, anang tagapag-salita ng kilusan, si Fr. Nonong Fajardo ng Adamson University. Nagpasimuno nga ng Huwag Ka Magnakaw si Catholic Archbishop of Manila Luis Antonio Tagle. Pero turo ito sa Kristiyano, Muslim, Judaists, at Buddhists. Masyado nang pinalaganap, ginawang institusyon, at isina-Konstitusyon pa ang katiwalian. Naging karaniwang gawi na sa buhay -- mula sa bata na nangungupit ng pera sa magulang, estudyanteng nandadaya sa eksam, at negosyanteng labis na nagpapatubo. Hindi naman tayo likas na masama, ani Fr. Nonong. Bawiin natin ang ating dignidad bilang tao.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest