^

PSN Opinyon

‘(UN)fit to work’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

MAS mataas ang ‘sugar count’ sa normal, namamaga ang leeg, sa bandang lalamunan…nitong huli halos hindi na siya makabangon at kapag umubo may halo ng dugo ang kanyang idinudura.

“Nagpapahinga ng patago si Mama. Kahit mabigat ang katawan niya dahil sa kanyang kundisyon, pwersado siyang nagtatrabaho,” kwento ni ‘Bea’.

Mula Sta. Cruz, Laguna nagsadya sa aming tanggapan ang 18 anyos na si Jackie Mae Santiago o “Bea” at kanyang tiyahing si Rosana “Sana” Reyes---kapatid ng kanyang inang si Rebecca ‘Ruby’ Santiago, 43 anyos.

Nangangamba ang ngayon ang buong pamilya ni Ruby dahil sa kanyang kundisyon sa bansang Dammam, Saudi Arabia.

“Hindi naman niya alam na may sakit siya, ang masama pa nito ang naging amo niya sa Dammam… isang doktor,” kwento ni Bea.

Pangalawa sa tatlong magkakapatid si Bea. Traysikel drayber sa Sta. Cruz, Laguna ang kanyang ama. Dati namang caretaker si Ruby sa bahay ng kaibigan ni Sana na nasa Italy.

Aminado si Bea na kahit sa kanila ang pinapasadang traysikel ng amang si Donald, at karelyebo niya sa pamamasada ang panganay na anak na si Ronald, may pagkakataong kinakapos sila.

Hulyo 2014, nang pumunta sa kanilang lugar si Victoria Paran, nagpakilala raw na ‘recruiter’ --- taga Sto. Domingo Bay, Laguna. Naghanap daw ito ng mga Pinay na gustong maging Domestic Helper sa Saudi. Ang kita P18,000 kada buwan sa loob ng dalawang taong kontrata.

Na-engganyo si Ruby. Lalo na ng sabihin nitong sila lahat ang sasagot sa mga dokumentong kanyang kukumpletuhin, pati pagpapamedikal.

Naging mabilis ang pag-alis ni Ruby. Pagkaayos ng kanyang mga ‘requirements’ lumuwas siya ng Maynila sa ahensyang tutulong sa kanya, ang Kimobo International Personnel Services Inc. Dito pinag-PDOS si Ruby. 

“Tutol talaga nung una si Papa. Dumating din sa puntong ayaw na ni Mama na umalis,” kwento ni Bea.

Uurong na raw dapat si Ruby subalit ng sabihin niya ito kay Victoria sinabi umano nitong kapag hindi tumuloy kakailangin nitong magbayad ng lahat ng ginastos ng Kimobo Int’l. Wala raw nagawa ang ina kundi tumuloy na lang.

Ika-16 ng Setyembre 2014, nakaalis ng bansa si Ruby.  Doktor umano ang naging amo  niya dun, may asawa at mga anak. Kasama ni Ruby dun ang mag-asawang Pinoy. Ang lalaki drayber, cook naman ang babae.

 Agad siyang pina-medical pagdating sa Dammam. Nagulat siya ng lumabas sa resulta na meron siyang ‘diabetes’ at may ‘goiter’ siya.

“Hindi namin alam kung paanong nangyari yun .‘Fit to work’ naman ang nakalagay sa medical result niya sa Kimobo,” ani Bea.

Hindi tinanggi ni Bea na may goiter ang kanyang ina. Sa katunayan, minsan na raw itong naoperahan. Alam din daw ito ni Victoria.

Ilang beses din raw niya itong tinanong kung pwede ba mag-DH ang operado sa goiter. Sagot umano nito, “Naoperahan ka na pala e, okay na yun.”

Hindi naman daw nila alam na diabetic si Ruby.                               

Ganito man ang kundisyon ng ina, pinagtatrabaho pa rin siya ng amo. Araw-araw kinakailangan niyang linisin ang pitong kwarto, limang CR at limang sala. Ganito raw kalaki ang bahay ng kanyang amo. Idagdag pa ang pagbubuhat niya raw ng mabibigat na sofa.

Agad pumunta ang pamilya ni Ruby sa Kimobo International at kinwestyon nila kung bakit nakalusot sa medikal ang sakit ng Pinay?

Diresto nilang sinabi na gusto na nilang pauwiin si Ruby sa Pilipinas.

Nangako naman daw ang ahensya na sila ang sasagot ng ticket ni Ruby pabalik subalit humiling ito na bigyan sila ng panahon.

“Tatlumput pitong (37) araw daw ang hinihingi nila para maayos ang mga dokumento ni Mama pabalik,” sabi ni Bea.

Sa sobrang pag-aalala kay Ruby, finollow-up nila ang pag-uwi nito sa Kimobo subalit parang iniiwasan na raw sila ng mga ito at hindi na sinasagot ang kanilang tawag.

Nagpunta sila sa Philippine Overseas Employment Authority (POEA) para ideretso ang kanilang reklamo laban sa Kimobo. Pinagharap sila ng POEA nung ika-26 ng Nobyembre 2014. Nakausap nila si Lyn Pao, representative raw ng  Kimobo.

Wala raw nangyari sa kanilang paghaharap at tinakda sila muling pagharapin, ika-5 ng Desyembre 2014.

Huling tawag ni Ruby sa anak sinabi niyang malala na umano ang kundisyon niya dun, “Kapag umuubo siya may kasama ng dugo. Halos ‘di na rin daw siya makabangon. Napipilitan lang daw siyang magtrabaho,” ani Bea. 

Ito ang dahilan ng pagpunta ng magtiyahin sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang sakit na goiter o pagi­ging abnormal ng ‘hormones sa thyroid glands’ ay kadalasang bumalik kahit pa naoperahan na.  Sa kwento ni Bea, operada na sa goiter ang ina at una pa lang makikita na ang hiwa sa leeg nitong si Ruby, marka ng operasyon sa kanyang goiter, kaya’y imposibleng nakalusot ito sa ahensyang Kimobo.

Ang maaaring nangyari dito, pinalabas na lang na ‘fit to work’ itong si Ruby kahit na hindi siya nasuring mabuti.

Sa dami ng recruitment agency sa ating bansa, ang ilan sa kanila, naka tie-up sa medical center kung saan ang kanilang mga ni-recruit kahit hindi naman ‘fit to work’ ilalagay na walang problema sa kalusugan, makaalis lang ng bansa. Maraming paliwanag ang dapat gawin ng Kimobo rito.

Kung totoo ngang doktor ang amo ni Ruby dapat, ay alam niyang sa kanyang kundisyon ngayon hindi na siya makakapagtrabaho ng maayos, dapat hilingin na niya mismo sa ahensya ni Ruby sa Dammam, ang Al Hazm Manpower Recruitment na magbigyan siya ng kapalit.

Para matulungan ang ating kababayan, amin ng nakipag-ugnayan kami kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang lahat ng kanya mga impormasyon para maiparating ito sa ating embahada sa Riyadh, KSA sa pamumuno ni Ambassador Ezzedin Tago.

Inaaksyunan na nila ang problema ni Ruby para mapauwi ito at makapagpahinga dito sa Pinas.

Ano mang balita ang aming matanggap, agad naming ibabalita sa pamilya ni Ruby dito sa Pilipinas.(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landlines 6387285 / 7104038.

BEA

KANYANG

KIMOBO

NIYA

RAW

RUBY

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with