Demandang hindi natanggap
DAHIL sa hindi pagbabayad ng mag-asawang Ted at Risa ng mga patuka ng manok na umaabot na sa P353,500, idinemanda sila ng MAC – supplier ng feeds noong Hunyo 21, 2000. Hiningi ng MAC sa korte na pabayaran sa mag-asawa ang P353,500, pati interes, P60,000 na gastos sa abogado at pati lahat ng gastos sa asunto. Ayon sa reklamo, ang nakasaad na tirahan ng mag-asawa kung saan maipapadala ang mga sulat (summons) ng korte ay sa manukan nila sa Barangay Kalayaan, Gerona, Tarlac at sa tirahan nila sa Quezon City —230 Apo Street Sta. Mesa Heights.
Noong Setyembre 17, 2000, pumunta sa 230 Apo Street ang kinatawan ng korte na si Tino upang ipatanggap ang summons ng korte. Ang tatay ni Ted ang nakausap ni Tino at sinabihan siya sa Tierra Pura Subdivision, Tandang Sora, Quezon City nakatira ang mag-asawa. Kahit ibinigay na sa kanya ang tamang tirahan ng mag-asawa, pumunta pa rin si Tino sa manukan sa Barangay Kalayaan, Gerona, Tarlac. Nalaman niya na matagal na palang nailit ang lupa at hindi na nakatira roon ang mag-asawa. Noong Setyembre 26, 2000, pumunta si Tino sa Tierra Pura Subdivision, Quezon City at walang paliwanag na iniwan ang summons ng korte sa hipag ni Ted na si Vicky at hindi sa mag-asawa. Katibayan ay ang pirma ng hipag sa sulat.
Hindi nakasagot sa reklamo sina Risa at Ted. Dineklara ng korte na wala na silang karapatan pa sa kaso at hina-yaan na solong maghain ng ebidensiya ang MAC. Noong Hunyo 27, 2001, nagdesisyon ang korte pabor sa MAC. Pinagbabayad ang mag-asawa ng P353,500, 6 % interes at P30,000 na gastos sa abogado.
Noong Nobyembre 10, 2004, ipinatupad ng korte ang nasabing desisyon sa bisa ng isang writ of execution. Natanggap ng mag-asawa ang kopya ng kautusan ng korte mula sa kanilang biyenan noong Disyembre 13, 2004. Noong Enero 6, 2005, nagpetisyon sila upang ipawalang-bisa ang nasabing desisyon at ang kautusan na nagpapatupad.
Ayon sa mag-asawa, hindi naman sila nasakop ng kapangyarihan ng korte dahil hindi naman tama ang paraan ng pagpapadala ng summons sa kanila. Walang basehan at masyado pang maaga ang ginawa ng kinatawan ng korte na pagbibigay at pag-iiwan ng sulat kay Vicky at hindi sa kanila. Dapat na dineklara muna ng kinatawan ng korte na nabigo ito na personal na maibigay ang summons sa mag-asawa sa loob ng takdang oras. Hindi rin niya sinabi kung bakit imposibleng maibigay ang sulat sa bahay ng mag-asawa sa Tierra Pura Subdivision. Panghuli, hindi dineklara ng kinatawan ng korte na si Vicky ay nasa hustong gulang, tamang pag-iisip at nakatira sa bahay ng mag-asawa sa Tierra Pura. Tama ba ang mag-asawa?
TAMA. Ang tinatawag sa batas na “substituted service of summons” ay maaari lamang kung 1) imposible na maibigay ang summons sa kinakasuhan sa loob ng sapat na panahon, 2) ginawa ng kinatawan ng korte ang lahat ng paraan upang mahanap ang taong kinakasuhan, 3) ang summons ay ibinigay sa isang taong may hustong gulang at tamang pag-iisip, 4) ang taong pinagbigyan ng sulat ay nakatira sa bahay ng kinakasuhan at 5) inulat ng kinatawan ng korte sa return of service ang mga impormasyon at sirkumstansiya kung bakit imposible ang personal na pagbibigay ng summons sa kinakasuhan.
Sa kasong ito, walang pruweba sa return of service na 1) imposible na personal na matanggap nina Ted at Risa ang summons sa loob ng sapat na panahon, 2) na nasa hustong gulang at tamang pag-iisip si Vicky na siyang tumanggap sa sulat, 3) na nakatira si Vicky sa bahay ng mag-asawang Ted at Risa. Lumalabas na talagang hindi nasakop ng kapangyarihan ng korte ang mag-asawa. Hindi sila sakop ng desisyon ng korte na may petsang Hunyo 27, 2001 at ng kautusan na nagpapatupad nito na may petsang Nobyembre 10, 2004 kaya’t nararapat lamang na isantabi ang mga ito at ipawalang-bisa. (Spouses Galura vs. Math Agro Corporation, G.R. No. 167230, Aug. 14, 2009).
- Latest