‘Napikon Pumatay!’
NAGLAKAD paahon ng bahay… bumaba agad pabalik. Urong-sulong hindi malaman kung anong direksyon dadalhin ng mga paa. Umiiyak, tinatakpan ang bibig na kahit pwersado ng sumisigaw… wala paring lumabas na tinig.
“Aljo! Aljo anak ko!” pangalan paulit-ulit na sinisigaw ng ina.
Ang ina ay si Medory Maquiling o “Dory”, 52 taong gulang ng Brgy. San Andres, Cainta Rizal. Isang taon na mula ng pinatay ang kanyang anak na si Allan Maquiling Jr., o “Aljo” 26 anyos subalit sariwa pa rin sa kanya kung paano siya ginising isang umaga para ibalitang patay na si Aljo.
“Aling Dory! Si Aljo… nasa bilyaran… binaril ni Bungaw!” sambit ng kapitbahay habang kinakalabog ng malalakas na katok ang kanilang pituan.
Hindi na unang beses na nawalan ng mahal sa buhay si Dory. Taong 1994 ng mabalo siya sa asawang si Allan Maquiling, Sr. matapos itong mapatay sa saksak subalit higit daw na mas masakit ng siya mismo ang maglibing sa anak na si Aljo.
“Nung mamatay ang asawa ko, lumapit na ako sa inyong tanggapan. Natulungan niyo akong mapakulong ang pumatay,” panimula ni Dory.
Nagbalik tanaw si Dory sa pagkamatay ng asawa, kwento niya, nasabing taon umawat daw sa trobol si Allan at sa kanyang pakikialam siya daw ang binalikan ng mga ito at pinatay siya sa saksak ng kinilala niyang si Edwin Lipa.
“Namatay na rin si Edwin nung 2000. Napasama siya ulit sa trobol at nasaksak rin siya,” ayon kay Dory.
Unti-unting nakabangon si Dory sa pagkamatay ng asawa at sa pagdaan ng panahon binaon niya sa limot ang brutal na pagkamatay ni Allan. Ang hindi niya alam sasapitin rin pala ito ng anak niyang si Aljo.
Una ng lumapit sa aming ang anak ni Dory na si Anamarie Maquiling o “Lala” para sa kaso ng kapatid. Kasamang nabaril sa bilyaran ang asawa ni Lala na si Eduardo “Edward” Dela Cruz alyas “Kulit” taga Floodway rin.
Itinampok namin ang kwento nila Kulit at Aljo sa aming programa sa radyo at isinulat ito sa aming pitak sa Pilipino Star Ngayon (PSN). Pinamagatan naming itong, “MGA BOLA AT BALA” at amin din inilathala ang litrato ng suspek na si Jose Ferrer Villocillo, alyas “Jojo Bungaw” na matagal ng nagtatago mula ng maisampa ang kaso at mailabas ang warrant of arrest laban sa kanya para sa kasong Murder 2 Counts.
Lumapit muli si Aling Dory na hinihiling na ipamasko ninyo na raw sa kanya at kanyang pamilya ang hustisyang matagal na nilang inaasam dahil hindi pa nahuhuli ang pumatay sa kanyang anak.
Sa isang pagbabalik tanaw, kwento ng testigo na si Romnick Felipe, 21 anyos (kumpare nila Kulit at Allan) kay Lala, Ika-7 ng Setyembre 2013, nagkaroon ng pustahan sa bagong bukas na bilyaran ni Jojo Bungaw. Naglaro itong si Jojo at Aljo…maayos naman nung una, nagulat na lang sila ng nauwi sa pamamaril ang laban…
Base sa ibinigay niyang salaysay kay PO3 Jeffrey Serzo Azueta sa Cainta Police Station, nung ika-8 ng Setyembre 2013:
Wala daw siyang ibang maisip na dahilan kung bakit kailangang mamaril nitong si Jojo kundi sa dalawang naglalaro ng bilyar sina alyas “Allan” at alyas “Trouble”. Sinabihan daw kasi nitong si Jojo Bungaw si Trouble na si Allan dahil magaling itong maglaro. Sinita ng magbayaw si Jojo Bungaw na ‘wag makialam.
Nagkasagutan na silang dalawa. Nagpalitan ng ‘di magagandang salita hanggang iniutos ni Jojo Bungaw sa pamangkin niyang si alyas Jaco na iligpit na ang mga bola sa bilyaran. Umalis na itong si Jojo Bungaw lulan ng kanyang motor.
Ilang minuto bumalik ito, ipinarada ang kanyang motor sa kabilang kalsada. Nang patawid na, sa gitna pa lang ng kalsada nagbunot na ito ng baril at paglapit niya kay Allan ay walang sabi-sabing ay pinaputukan niya ito kung saan nalaglag ito sa hagdan. Mahigit dalawang metro ang layo nito ng mamaril.
“Napaatras kami ni Alias Allan at kasunod nun nakita naming na tinutukan naman ni Jojo Bungaw si Kulit na nun ay nasa likuran ni Alyas Trouble… maya-maya lang pinutukan na niya ito at nakita ko na lamang bumulagta si Eduard…” ---laman ng salaysay.
Tatlong beses daw pinaputukan si Kulit gamit ang 9mm na baril ang biktima. Mabilis na tumakas si Jojo Bungaw sakay ng kanyang motor patungo sa direksyon ng Pasig.
Pinuntahan ni Dory ang anak sa bilyaran subalit hindi niya nakayanang tignan. Dinala sila sa ospital subalit patay na ito ng isugod sa pagamutan.
“Pumunta ako sa ospital. Tinanong ako ng gwardiya kung gusto ko makita anak ko… nasa morgue na daw. Hindi na ako pumasok, umuwi na lang ako at hinintay na lang ang kabaong ng anak ko sa bahay,” wika ng ina.
Napag-alaman nila Lala na maliban sa sagutan, may kinalaman din sa kulang na taya ang naging ugat ng malagim na krimen na ito.
Nagkaroon ng pagdinig ng kasong ito, Ika-17 ng Disyembre 2013, ibinaba ang ‘warrant of arrest’ laban kay Jose Villocillo alyas “Jojo Bungaw” para sa kasong Murder. Pirmado ni Judge Miguel Asuncion ng Branch 97, Antipolo City. NO BAIL RECOMMENDED.
Mula nun nagtago na si Jojo Bungaw at hindi na nakita sa kanilang lugar. Nitong huli may nakapagsabi sa kanilang kapitbahay na nakikita nila kung saan itong si Jojo Bungaw subalit wala naman daw silang lakas ng loob na magsumbong sa pulis. Kahilingan ng mag-inang Dory at Lala,maisulat ulit ang sinapit ng anak at maipublish sa aming pitak ang larawan ng wanted na si Jojo Bungaw.
Itinampok namin ang mag-ina sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN) at pinanawagan ang nangyari sa anak.
“Sa mga nakakilala kay Jojo,kung sino man makakita sa kanya. Tulungan niyo kami at ituro niyo kung nasaan si Jojo para naman mahuli si Jojo sa ginawa niyang kasalanan,” panawagan ng mag-ina.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kami nakikiisa sa panawagan kung sino mang nakakakilala o nakakaalam kung saan ang pinaroroonan nitong si Jose Villocillo alyas “Jojo Bungaw”.
Kung sa mga simpleng pusta sa larong bilyar napipikon, namamaril at pumapatay ng tao, delikadong gumagala-gala sa ating lipunan.
Sa mga may impormasyon kung saan siya maari matagpuan makipagugnayan lang sa mga numero sa ibaba. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest