Masisisi mo ba?
NAPADAAN ako sa T.M. Kalaw kung saan napansin agad ang pagwalambahala ng mga establisimento sa isang Manila ordinance na ako mismo ang nag-akda. Ito ay ang pagbawal sa pag-“reserve” ng parking space sa katapat ng negosyo o opisina mo nang hindi magamit ng ibang sasakyan. Malinaw ang hangarin ng ordinansa, ang siguruhin na ang lahat ay may pantay na pagkakataon na magamit ang mga limitadong parking spaces ng Maynila. Hindi pag-aari ng isang negosyo ang katapat na bahagi ng lansangan. Wala itong karapatang solohin ng sino man.
Sa aking pagkaalam ay hindi naman ito sinuspinde ng Konseho ng Maynila o inamyendahan. Sa kabila nito ay tila walang hinuhuli ang mga awtoridad kahit kaliwa’t kanan ang mga bakal at sementong signage na may katagang “reserved for customers of _____ only”.
Tinatayang halos 80% ng ating mga batas at ordinansa ay hindi naipapatupad. Sabi nga ay nagkaalikabok na lamang ito sa mga libro dahil sa kawalan ng interes at determinasyon ng mga awtoridad na ito’y ipatupad. Sayang at marami dito ay solusyon sa suliranin ng lipunan. Tama nga ang hinala na mas marami tayong solusyon kaysa problema. Hindi nga lang ito natutukoy at napapakinabangan.
Masisisi ba tayo kung laganap ang kulturang hindi ni-rerespeto ang batas gayong hindi naman strikto ang patupad nito? Dagdag mo pa dito ang pagsuway ng mga kinauukulan sa batas na sila mismo ang dapat unang tumutupad. Ang pinakamalaking halimbawa kamakailan ay ang pagkasemplang ni DILG Sec. Mar Roxas sa sinasakyang motorsiklo – nakunan itong walang suot na helmet. Ito’y matapos niyang garantiyahin noong 2012 habang DOTC Secretary siya na ipatutupad nang mahigpit ang RA 10054, ang Motorcylce Helmet Act of 2009.
Sino rin ang makakalimot sa ginawang hayagang pag-suway ng Sec. of Justice Leila de Lima sa TRO ng Supreme Court laban sa kanyang pagharang sa pagbiyahe ng noo’y hindi pa nakakasuhang si Gng. Gloria Arroyo. Sa isang iglap, naglaho ang anumang takot ng lipunan sa awtoridad ng Mataas na Hukuman matapos ang pagmamalaking ginawa ng Kalihim.
Bumisita ka sa ibang bansa, lalo na sa mga progresibong 1st world countries. Ganap ang disiplina at halos lahat ay sumusunod sa patakaran. Ito’y dahil sa kasiguruhan ng pagpatupad ng batas at dahil walang pasaway na opisyal na masamang halimbawa sa lipunan.
- Latest















