Kotse: Maserati Driver: Me sira‘to
ANG rurok ng pagkasira ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan ay kapag tahasan nang hindi sinusunod kundi sinasaktan pa ng mga violators ang mga tagapagpatupad ng batas.
Mainit na balita ang pag-umbag at pagkaladkad ng isang motorista sa isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority na sumita sa kanya sa Quezon City kamakalawa ng umaga.
Pormang mayaman ang driver na kinilalang si Joseph Russel Ingco na ang minamanehong sasakyan ay isang luxury car na Maserati Ghibly sportscar na sinasabing mahigit sa anim na milyong piso ang halaga.
Nang sitahin daw ng MMDA enforcer na si Jurve Adriatico ang mayabang na motorista dahil sa traffic violation, isang “dirty finger” ang pinagdutdutan sa kanya. Humabol si Adriatico at sinabing “Pakiulit nga yung dirty finger mo” sabay amba ng cellphone para kunan ng retrato.
Pero inagaw ni Ingco ang cellphone at sinunggaban ang braso ng MMDA enforcer at pinaandar ang sasakyan habang pinagbubuntal ang huli. Isinugod tuloy sa East Avenue Medical Center si Adriatico habang tumalilis ang motorista kasama ang ilang kabarkada.
Tama ang ginawa ni MMDA Chair Francis Tolentino na naglaan ng P100-libong pabuya sa sino mang makapagtuturo kay Ingco. Hiniling din ni Tolentino sa LTO na kanselahin ang lisensya ng abusadong motorista. Hindi lang ang MMDA enforcer ang nalapastangan kundi ang buong MMDA at pati na ang batas. Kapag kinunsinti ang ganyang gawain ng ilan, darami pa ang mga katulad nilang walang galang sa mga persons in authority.
Nakilala lamang si Ingco dahil naplakahan ang sasakyan niya at nakakuha ng kopya ng kanyang lisensya na may larawan niya. Kinumpirma naman ng kawawang biktima na ang larawan sa lisensya ay ang taong kumaladkad at nabugbog sa kanya.
Bagamat ang mga pulis at traffic enforcers ay nasasangkot din sa mga katiwalian, dapat pa ring pangalagaan ang kanilang kaligtasan na laging nakataya kapag tumutupad sila sa tawag ng tungkulin. Hindi dapat makalusot ang mga lumalapastangan sa kanila kahit pa sila ang pinakamayaman at pinakaimpluwensyal na tao sa Pilipinas.
Dapat masampolan si Ingco para yung ibang masasalapi at may kapangyarihan ay mangilag sa paggawa ng katulad ng kanyang ginawa. Walang taong nakahihigit sa batas. Kahit Presidente pa ng Pilipinas, kapag lumabag sa batas ay dapat lapatan ng parusa.
- Latest