EDITORYAL - Leksiyon sa Ozone
LABINGWALONG taon na ang nakararaan mula nang maganap ang malagim na sunog sa Ozone Disco sa Timog Ave. Quezon City na ikinamatay ng 162 katao karamihan ay mga nagsipag-graduate at nagseselebra sa pagtatapos ng school year. Pagkahaba-haba man ng panahong ipinaghintay sa resulta ng kaso, nakarating din at nakamit ang hustisya. Kahit mahaba ang pinaghintay, gumalaw din ang batas at napatunayang guilty ang pitong Quezon City public officials at dalawang may-ari ng Ozone. Nahaharap sila sa 10 taong pagkabilanggo. Ayon sa Sandiganbayan Fifth Division nilabag ng QC officials ang Republic Act No. 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Hinatulan sina dating City Engineer Alfredo Macapugay, at kanyang mga staff na sina Donato Rivera Jr. Edgardo Reyes, Francisco Itliong, Feliciano Sagana, Petronillo de Llamas at Rolando Mamaid. Ganoon ding hatol ang ipinataw sa mga negosyanteng sina Hermilo Ocampo at Ramon Ng, mga stockholder ng Westwood Entertainment Co. Inc. na nag-o-operate sa Ozone.
Naganap ang sunog noong Marso 18, 1996. Habang nasa gitna ng kasayahan ang lahat, biglang nagliyab ang discs jockey booth at mabilis na kumalat ang apoy sa dance floor. Nag-panic ang mga tao at nag-unahan sa paglabas subalit na-trap sila sa pinto sapagkat, hindi iyon maitulak palabas. Napag-alaman na ang swing door ay paloob ang pagbubukas pero dahil maraming natipon sa pinto, hindi iyon mabuksan. Doon na sila nasunog nang buhay.
Ayon sa korte nagkaroon ng kutsabahan ang mga QC official sa pag-iisyu ng building permit at certificate of occupancy sa may-ari ng Ozone. Minadali ang pagbibigay ng permit kapalit ng suhol at hindi na nagkaroon ng inspection sa disco club. Maraming paglabag ang Ozone katulad ng kawalan ng fire exit, walang fire extinguishers at iba pa.
Labingwalong taon na ang nakalipas at maitatanong kung may aral bang nakuha sa trahedya. Nakatitiyak bang wala nang “lagayan” o “suhulan” sa QC sa pagkuha ng building permit o mas malala pa. Tiyak bang wala nang mga buwaya na para lang magkamal ng pera ay aaprubahan ang building kahit “fire trap”? Hindi na sana maulit ang Ozone tragedy.
- Latest