‘Si Tuklaw at ang dalagita’
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
ANG ahas ay pumapasok na iba-iba ang anyo. Minsan mukhang maamong kordero na nagmamalasakit para sa iyong mga anak… bago mo mamalayan tinuklaw na pala ang iyong dalagita.
“Tinanong niya ako, ‘Nasaan si Gigi? E, ang papa mo nasaan?’ Nung sinabi kong ‘Wala po’ pumasok na siya sa loob,” wika ni ‘Marie’
Humarang siya sa pinto, pumamewang at nagmasid. Nang makitang wala nga ang mga magulang ng magkakapatid tuloy-tuloy siyang pumasok at lumapit sa kanila…
Mula sa Nia Road, Brgy. San Juan II, General Trias, Cavite nagsadya sa aming tanggapan si Herminia “Gigi” Sirad, 45 anyos kasama ang 13 anyos na anak na itinago namin sa pangalang “Marie” at ilan pa niyang nakababatang kapatid. Panghihipo umano ng dating kapitbahay ang anak ni Gigi.
Dalawa ang anak ni Gigi sa dating kinakasama na si Danilo Gonzales, nagtratrabaho sa konstraksyon .
Nang maghiwalay sila, taong 2003, ipinakilala sa kanya ng kapitbahay si Domeng Candelaria, isang magsasaka---taga Tejero, San Juan II. Hiwalay rin daw si Domeng sa unang kinakasama. Nagkaroon sila ng relasyon at agad silang nagsama.
Tumuloy sila sa Bakaw, sa tubigan sa General Trias kung saan nagsasaka si Domeng. Nagkaroon sila ng mga anak. Palipat-lipat sila ng bahay. Kung saan nagsasaka si Domeng dun silang mag-iina hanggang mamatay ang kapatid ni Domeng sa probinsya, namalagi na sila sa Camarines Sur ng ilang taon.
Bumalik sila ng General Trias dalawang taon na ang nakakaraan at binili ang isang bakanteng kubo sa irigasyon sa Nia Rd. San Juan II, sa halagang P1,000. Dito na sila tumuloy.
Nasa tatlumpung kubo raw silang nakatayo dun kaya dikitan, Aminado si Gigi na mga ‘illegal settlers’ mula sa iba’t-ibang lugar silang nandun. Kahit ganito sila tahimik daw ang kanilang pamumuhay.
Pagtatanim ng palay at pag-aani ang ikinabubuhay nila Gigi at Domeng.
Umaga pa lang aalis na sila ni Domeng para magsaka ganun din ang kanilang 18 anyos na anak na lalaki na nagkokonstraksyon.
Ika-25 ng Setyembre 2014, nanganak ang titser ng ekswelahan ng nila Marie at tatlo pang anak kaya’t nanatili sila sa bahay.
“Sa lapag lang silang magkakapatid, gumagawa ng aralin,” ani Gigi.
Kwento daw ng mga bata, nung umagang iyon biglang dumating si Leopoldo Cobacha o “Poldo”, 58 anyos dati rin daw nilang kapitbahay.
Nakakuha na itong si Poldo ng bagong tutuluyan sa San Juan II subalit araw-araw pa rin daw itong pumunta sa kanilang lugar dahil sa kanyang alagang baka. Nagpapasuga (nililibot at pinapakain) niya ito.
Sumilip si Poldo sa bahay nila Gigi at humarang sa pinto. Tinanong niya sina Marie kung nasaan ang Nanay at Tatay nila. Pagsagot ni Marie na wala, bigla na lang daw itong lumapit at hinawakan ang kanyang dibdib.
“Tinakpan ko po ang dibdib kong braso ko pero tinggal niya at nilamas niya,” kwento ni Marie.
Hindi raw ito nakuntento at kinurot pa siya sa kanang tagiliran. Maging ang tatlo pang babaeng kapatid niyang nasa edad 12, 10 at siyam nakatikim din ng kurot ni Poldo sa tagiliran.
Nang magawa ito, mabilis daw na nag-abot si Poldo ng halagang bente pesos at inutusan ang dalawang kapatid ni Marie na bumili ng tinapay at kendi. Naiwan si Marie at isa pang kapatid sa loob ng kubo.
Wala naman daw ginawa si Poldo nun, subalit takot na takot itong si Marie. Mabilis na bumalik ang dalawang kapatid ni Marie.
Nanatili si Poldo sa kubo. Nakiramdam daw sila, “Yung kapatid ko natakot na rin kaya kumuha siya ng kutsilyo at itinaas sabay sabi kay Mang Poldo, ‘Huwag kang lalapit!’”,” ayon kay Marie.
Umalis daw bigla si Poldo. Sa takot ni Marie, lumusot siya sa butas ng kanilang dingding, tagusan sa kabilang kubo ng nakakatanda niyang kapatid.
Nagsumbong agad sina Marie sa inang si Gigi. Lunes nagpunta sa Brgy. San Juan II sina Gigi at nagpa-‘blotter’.
Hindi pa sila pinaghaharap sa barangay bigla na lang daw pumunta si Poldo sa kubo kung saan nagsasaka sina Gigi at tinangging hindi niya hinipuan si Marie.
“Kinurot ko lang ang mga bata kasi yang mga anak ko binigyan ko pa nga hingi pa ng hingi… mga gutom na gutom!” sabi umano ni Poldo.
Nagpanting ang tenga ni Gigi kaya’t tinaboy niya ito, “Tumigil ka… Sinungaling pa mga anak ko ganun?!”
Dumiresto sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), General Trias si Gigi at ipinarating ang kanilang reklamo.
Kinuhanan ng ‘statement’ si Gigi. Ika-15 ng Oktubre ang araw ng kanilang paghaharap subalit hindi sumipot si Poldo. Ang asawa nitong si “Laling” lang umano ang nagpakita sa kanila subalit hindi naman sila nagkaroon ng pagkakataon makipag-usap.
Ayon kay Gigi, wala siyang planong makipag-areglo dito kay Poldo. Gusto niya daw itong turuan ng leksyon at makasuhan ng kaukulang kaso. Dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan nung ika-5 ng Nobyembre 2014.
Itinampok namin ang mag-inang Gigi at Marie sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT”, DWIZ882 KHZ(Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM/Sabado 11:00-12NN)
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo nga lahat ng kwento sa amin nitong si Marie, kasong Acts of Lasciviousness in relation to R.A 7610 o Child Abuse ang pwedeng isampa laban dito kay Poldo.
Kadalasan ang mga salaysay ng mga bata ay binibigyang timbang ng mga taga-usig keysa sa pagtanggi (DENIAL) ng inaakusahan.
Sa kumunidad kung saan nakatira ang pamilya ni Gigi, siya na mismo ang nagsabing sa iba’t-ibang lugar galing ang mga ito, iba-iba rin ang ugali ng mga tao rito. Kailangan doble bantay ang gawin niya sa kanyang mga anak lalo na’t menor de edad at babae pa ang mga ito. Lalo na’t hindi nila kabisado ang karakas ng bawat isa.
Para tulungan si Gigi, pinapunta namin sila sa Women’s Desk, sa presinto ng General Trias-PNP para tulungan silang makapagsampa ng nararapat na kaso laban kay Poldo. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.
Ugaliing makinig ng CALVENTO FILES sa radyo, ang “Hustisya Para Sa Lahat” Lunes-Biyernes, 3:00PM-4:00PM at Sabado 11:00AM-12:00NN. Ang programang “PUSONG PINOY” na umiere naman tuwing Sabado, 7:00-8:00AM at makinig rin kayo ng programang “PARI KO” tuwing Linggo. Mula 9:30-10:30PM kasama sina Fr. Jojo Buenafe, Fr. Jason Laguerta at Fr. Lucky Acuna dito lang sa DWIZ882KHZ, Am Band.
- Latest