‘Hipo, biro lang…?’
TSANSINGAN mo ang babae at kapag nagalit sa’yo kadalasan ang sagot ng lalaki, “Biro lang…”
“Pagpasensyahan mo na si Ricky. Kabiruan mo naman siya. Baka masyado lang siyang nakampante,” pakiusap ng tiyahin.
Ito raw ang mga katagang sinabi ni Tessie Vinluan, 59 anyos sa babaeng hinupuan umano ng kanyang pamangkin na si Roderick Vinluan, 39 anyos.
Kasong Acts of Lasciviousness ang kinakaharap ngayon ni Roderick o Ricky. Nireklamo siya ng 29 anyos na babaeng aming itatago sa pangalang “Gie”.
“Naawa pa naman ako sa pamangkin niyo. Inaabutan ko pa siya ng pagkain tapos hihipuan niya lang ako,” sabi umano ni Gie ayon kay Tessie.
Dating taga sa Pasig ang pamilya ni Ricky. Taong 2011, mula ng mamatay ang ina tumuloy na ang kanyang amang si Ludivico sa bahay ni Tessie sa Cubao.
“Solo lang naman ako sa buhay. Wala akong asawa’t anak kaya pinatuloy ko na ang kapatid ko, anak niyang single mother at ang special child niyang anak,” kwento ni Tessie.
Nakabukod naman itong si Ricky dahil meron na rin siyang asawa at dalawang anak. Umeekstra sa pagkokonstraksyon si Ricky at minsan rin naging bagger. Nang umuwi sa Mindanao ang kanyang mag-iina, nag-isa na siya sa buhay at nag-‘board’ sa Lirio St., Pasig. Tatlong buwan nakakaraan ng maging ‘delivery boy’ ng mineral water gallon si Ricky.
Ika-23 ng Setyembre 2014, 9:30 ng umaga., nagkatanggap ng ‘text message’ si Tessie galing kay Ricky, “Auntie, d2 ko sa Headquarters, sa Pasig. Nakakulong po ako . Puntahan mo q, tulungan mo q.”laman daw ng text nito.
Hapon, parehong araw, napunta sa presinto si Tessie at naabutan niya si Ricky sa loob ng selda. Tinanong niya agad kung anong nangyari sa pamangkin.
“’Di ko sinasadya auntie nahawakan ko yung bewang niya pero hanggang dun lang. Dinagdag na lang niya yung hinawakan ko siya sa suso,” sabi umano ni Ricky.
Nagtanong si Tessie sa mga pulis at inalam ang ‘cellphone number’ ng nagrereklamo at address nito. “Pumunta ako sa boarding house ni Gie pero wala siya dun. Tinawagan ko siya at sinabi niyang nasa Parlor siya malapit lang din sa boarding house. Pag-akyat ko, naabutan ko siyang nag-aayos ng upuan,” kwento ni Tessie.
Agad siyang nanghingi ng despensa kay Gie para sa pamangkin subalit sabi umano nito, “Titignan ko sa asawa ko kung mapapatawad siya!”
“Pero hindi naman daw niya hinawakan yung dede mo. Nagkakabiruan nga kayo, diba boyfriend pa nga tawag mo sa pamangkin ko?” giit ni Tessie. “Ay ‘di po totoo yan!” sabi umano ni Gie.
PARA SA ISANG PATAS at balanseng pamamahayag, base sa salaysay na ibinigay ni Gie sa Women’s and Children Protection Desk (WCPD), Pasig nung ika-23 ng Setyembre 2014 sa harap ni PO1 Jessa B. Tumpalan:
Alas otso ng gabi, ika-22 ng Setyembre 2014, pumunta siya sa Water Station na pinagtatrabahuhan ni Ricky (suspek) upang umorder ng tubig. Idiniliver niya ang ang inorder nitong tubig sa boarding house ni Gie sa Pasig.
Tinanong niya kung saan ilalagay ang tubig na dala nito at sinagot niya ito, sa may lamesa lang malapit sa pintuan. Tinanong din nito kung nasaan ang isang kasama niya sa bahay, na kakilala niya. Sinabi ni Gie na umuwi ito ng Pangasinan.
“Ah mag-isa ka lang dito” sabi raw ni Ricky. “Oo” sagot daw ni Gie dahil ‘di pa daw dumadating nun ang ba niyang kasama. Bigla na lang daw siyang hinawakan ni Ricky sabay hinimas ang kanyang bewang. Lumingon siya at itinulak si Ricky at tumawa lang daw ito.
“…sabi ko umayos ka wag kang ganyan. Tapos pagkatulak ko sa kanya ay lumapit siya sa akin at tumatawa pa rin. Mula sa bewang ko hinipo niya pataas hanggang sa suso ko at hinimas niya at binitiwan niya. Naitulak ko na siya ng malakas,” –laman pa ng salaysay ni Gie.
Dumikit si Ricky sa may pintuan, “… sinabi ko na umalis ka wag kang ganyan, umayos ka!” at saka itong umalis.
Maya-maya naisipan ni Gie na magpunta sa amo ni Ricky para isumbong ito subalit wala naman daw aksyon ang amo nito kaya dumiretso na siya sa Police Station at ipa-blotter si Ricky. Sinamahan siya ng mga pulis at mga tanod para pumunta sa pinagtatrabahuhan ni Ricky subalit wala siya dun.
Base naman sa binigay na salaysay ni BSF Edward Malicse ng Brgy. Sta Lucia, Pasig nung ika-23 ng Setyembre 2014 sa pagtatanong ni PO3 Amy D. Baldonado: nang puntahan nila sa trabaho nito si Ricky at wala ito may nakapagsabi nasa EGAMES ito sa Ortigas Ave kaya’t agad nila itong pinuntahan nila SPO1 Arnulfo Tupaz, SPO1 Santos at PO3 Mark June Leonilio at ng kanyang mga kasamahan sa nasabing lugar. Tinuro ng gwardiya na nandun ito sa second floor kaya’t agad silang umakyat kasama si Gie at positibo nitong tinuro si Ricky na siyang nanghipo umano sa kanya.
Inimbitahan si Ricky sa kanilang barangay. Kusa naman itong sumama sa kanila. Pinagharap sila ng biktima subalit hindi sila nagkasundo kaya’t ibingay na sa WCPD ang kaso at naghain ng pormal na reklamo si Gie ng Acts of Lasciviousness. Si Ricky naman matapos ipamedikal ay agad kinulong.
Gustong malaman ni Tessie ang ligal na hakbang maaaring gawin para mailabas ng kulungan ang pamangkin kaya’t nagsadya siya sa aming tanggapan.
Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ayon na rin kay Tessie may asawa’t pamilyado rin umano itong si Gie, sa mga ganitong klaseng kaso, acts of lasciviousness hindi tulad ni Gie ang papayag na basta na lang makaladkad sa korte at haharap sa kahihiyan. Hindi namin para kwestyunin si Tessie kung talaga bang hindi nanghipo ang kanyang pamangkin? Ganun pa man, ipinaliwanag namin na kahit sinong akusado ay may karapatang ipagtanggol ang kanyang sarili. Dahil na-inquest na si Ricky, ito’y iaakyat na sa korte at iisyu ang hukom ng karampatang piyansa (bail) para sa pansalamantala nitong paglaya.
Dahil ito’y isang Summary Proceedings at kadalasan ang hiring nito ay sa Metro Politan Trial Court (MTC) kailangan kang magpasa ng Kontra-Salaysay at iyong testigo. Hindi ka papayagan ng hukom at ng iyong testigo na umupo ng walang Kontra-Salaysay. Bilang tulong ni-refer namin si Tessie sa Public Attorney’s Office, PAO Pasig para asistehan siya sa kaso ng pamangkin. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
- Latest




















