‘Tao na ginawang ‘animal’ sa ngalan ng sining’
USAP-USAPAN ngayon ang kontrobersyal na fashion show ng isang clothing company noong nakaraang linggo na ikinubli sa art o sining.
Sensitibo ang ipinakita ng karamihan sa mga modelo. Nag-uumbukan ang mga maseselang bahagi ng katawan ng mga artistang gustong sumikat, papasikat palang at palaos na na gusto ulit sumikat.
Sa halip na kasuutan ang ibenta, “laman” ang naging produkto sa isinagawang fashion show.
Sinadya ko talagang talakayin ang isyung ito sa aking programang BITAG Live kahapon sa radyo at telebisyon.
Tulad ng sinabi ko, walang masama sa isinasagawang fashion show. Nirerespeto ko ang kumpanyang nasa likod nito.
Subalit, bastos ang naging presentasyon ng mga modelo partikular ang isang lalaking artista na may kasamang babae na may tali sa leeg habang hinihila sa entablado.
Ito ay isang malinaw na halimbawa nang kababuyan at paglapastangan sa kababaihan. Ito rin ang dahilan kung bakit galit at nag-iingay ngayon ang iba’t ibang grupo ng mga kababaihan at sektor sa lipunan.
Kapag ang isang tao lalo na ang babae ginawang “hayop” sa ngalan umano ng sining, nangangahulugan itong paglapastangan sa kanilang katauhan.
Maaaring walang alam ang mga ginamit na artista at ang mismong may-ari ng clothing company sa konsepto at naging kinahinatnan ng kontrobersyal na fashion show.
Malamang “the naked truth” tanging ang mga nakatuwad na kukute ng mga organizer at iba pang mga nasa likod nito lamang ang tanging nakakaalam. May pananagutan at responsibilidad sila sa publiko at kailangan humingi ng paumanhin.
Kalat sa social media ang nasabing kontrobersyal na fashion show pero marami pa rin ang hindi nakakaalam.
Ngayon palang, kung saan nag-iingay na ang mga apektadong grupo, siguradong kumikilos na ang mga “PR” group ng clothing companypara patayin ang isyu at hindi na lumabas pa sa tradisyunal na media o ‘yung telebisyon, radyo at dyaryo.
Taktika at estratehiya nila ito para maiwasan ang nagbabanta o nag-uumpisa palang na kasiraan ng kumpanya.
Isa sa mga dahilan kung bakit nakalusot ang “malaswang” fashion showdahil walang regulating body o organisasyong pumupuna at tumitingin sa mga konsepto ng kanilang mga palabas tulad ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa larangan ng telebisyon.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest