^

PSN Opinyon

‘Ang babaeng sinilid sa drum’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

(Ruby Rose Barrameda Murder)

(Unang bahagi)

NAGKAROON NG MALIIT NA KISLAP malapit sa may dayamihan.

Sumiklab ng madikit sa mga dayami. Bago mahinto ang lahat nasunog na ang buong sabsaban.

IPINASOK sa ‘drum’, sinimento… inilagay sa ‘steel case’ sinementong muli, hininang at saka nilalag sa Navotas Fish Port.

“Boya ang naging palatandaan niya dun lang daw niya hinulog ang bangkay,” wika ni Rochelle.

Ika-15 ng Marso 2007… nagsimulang manawagan sa telebisyon, radyo at pahagayan ang dating Ms. Photogenic Philippines nung taong 1993 si Rochelle Barrameda tungkol sa pagkakawala ng kanyang nakakabatang kapatid na si Ruby Rose Barrameda-Jimenez. Asawa ni Manuel Jimenez III o “Third”, anak ni Atty. Manuel Jimenez Jr. isa raw sa may ari ng Buena Suerte Jimenez (BSJ) Fishing and Trading Inc. sa Navotas Fish Port Area.

“Sinuyod namin ang Las Piñas sa mga lugar kung saan siya pwedeng pumunta… sa madidilim na eskenita. Inumaga na kami pero wala si Ruby,” pagbabalik tanaw ni Rochelle.

Bunso sa apat na magkakapatid si Ruby. Retirado sa Air Forces of the Philippines ang kanilang amang si Robert Barrameda, 67 anyos habang retired teacher naman ang kanilang inang si Asuncion, 67 taong gulang din.

Labing pitong taong gulang si Ruby ng ligawan siya ni Third. Pareho silang estudyante nun sa University of Perpetual Help, Las Pinas. Mass Communication Student si Ruby, Management naman ang kinukuha  ni Third.

“Magalang naman si Third nun… pumupunta siya sa bahay dun siya nanliligaw,” ani Rochelle.

Nag-‘debut’ si Ruby na si Third na ang ‘escort’ niya. Isang taon lang ang lumipas, 19 anyos si Ruby ng mabuntis ito. Nagdesisyon ang dalawa na magpakasal sa San Augustine Church nung ika-1 Agosto 2000.

Sa bahay ng pamilya Jimenez sa BF Homes, Las Pinas tumuloy sina Ruby.

Tumigil sa pag-aaral si Ruby hanggang sa siya’y manganak at bumalik sa eskwela. Maayos naman nung una ang pagsasama nila ni Third subalit makalipas ang tatlong taon nagsimula na umanong mambabae si Third, ayon kay Rochelle.

“May mga sulat siya kay Third na hindi naman niya naibigay. Nito na lang din namin yun nakita…” wika ni Rochelle.

Desyembre 2006, umalis na ng bahay si Third at nag-iwan ng sulat kay Ruby. Tatlong buwan pa lang nakakapangak nun si Ruby sa kanilang bunso.

“Sinubukan naman daw niya pero hindi na talaga, ayun yung sabi niya sa sulat”, ani Rochelle

Sa farm ng mga Jimenez sa Tanza, Cavite tumuloy si Third. Sa bahay ng mga Barrameda sa Las Pinas na nagpasko si Rochelle at kanyang mga anak.

Tatlong linggo makalipas umuwi si Third sa BF Homes. Nagdesisyon daw ang ama ni Third na si Atty. Jimenez na manatali sa kanila ang anak.

“Ang alam ko sa magkaibang kwarto na sila natutulog,” ani Rochelle.

Ika-20 ng Enero 2007, kasal ng kapatid ni Third sa Tagaytay… bandang 12:00 ng tanghali, tumawag na lang bigla si Ruby kay Rochelle. Umiiyak ito at nagpapasundo dahil sinaktan daw siya ni Third.

Pumunta sila Rochelle sa bahay ng mga Jimenez kasama ang amang si Robert. Nagsumbong si Ruby sa pambubog na ginawa ni Third. Ayon kay Rochelle, hinanap ni Third ang hikaw na gagamitin niya sana sa kasalan.

“Nakipagpalit sa akin si Rochelle ng hikaw nung magkita kami nung anniversary ng bar. Yun pala yung hikaw ni Third,” ayon kay Rochelle.

Nang ‘di maibigay ni Ruby ang hikaw bigla na lang daw itong nagalit at agad siyang sinaktan. Inuntog-untog nito ang ulo ni Ruby sa kanilang kabinet. Kinuha pa raw nito ang cord ng telepono at isasakal dapat kay Ruby subalit nasipa siya ni Ruby at nakawala ito kay Third. Sa harap pa umano mismo ng anak nilang noo’y pitong taong gulang ginawa ni Third ang pananakit.

“Sinabi ko kung hikaw lang hanap niya ba’t ‘di na lang niya pinakuha sa drayber niya sa bahay hindi yung sinaktan niya si Ruby,” wika ni Rochelle.

Unang beses daw pagbuhatan ng kamay ni Third si Ruby kaya’t nagdesisyon itong bumalik sa bahay ng mga Barrameda.

“Ate, mukha na siyang demonyo…” sumbong daw ni Ruby sa kapatid.

Isasama na dapat nila Rochelle ang mga anak ni Ruby sa kanilang bahay subalit dahil ‘flower girl’ nun ang kanilang anak nakiusap si Atty. Jimenez na hayaan munang dumalo sa kasalan ang mga bata. Ang usapan ibabalik nila ang mga bata 9:00PM at ihahatid mismo sa bahay ng mga Barrameda.

Dumiretso sa ospital sina Ruby para mag-‘medical examination’.

Bandang 6:00PM, tinawagan na ni Ruby ang ‘yaya’ ng kanyang anak suba­lit ‘di nito sinasagot ang kanyang mga tawag.Alas otso ng gabi sinubukan na man niyang tawagan ang tiyahin ni Third at biyenan subalit hindi rin ito sumasagot.

Eksakto 9:00PM, nakausap niya mismo ang anak at sinabi nitong ‘di siya uuwi dahil sa Cavite sila didiretso pagkatapos ng kasal. Ang ginawa nila Ruby pumunta sila sa Las Piñas, sa mga Jimenez at hinintay dun ang mga bata.

Bunsong kapatid lang ni Third na noo’y nasa edad 17 anyos pa lang ang dumating at kumausap sa kanya, “Pasensya na kayo…sa gulo ng pamilya namin,” sabi umano nito. Umabot na 3;00AM ang kanilang paghihintay hindi pa rin sila umuuwi kaya’t umalis na lang sila.

Alas 10:30 ng umaga, tumawag ulit si Ruby sa bahay ng Jimenez at dun nakausap na niya ang kanyang biyenan. “Bakit ganun sabi niyo dadalhin niya ang mga bata kagabi?” tanong ni Ruby.

“Pagod na pagod na ako sa inyo. Bahala ka na kung anong gusto mong gawin!” galit na sabi raw ni Atty. Jimenez.

Tatlong araw tinago kay Ruby ang dalawang anak. Pumunta siya sa school ng panganay subalit wala ito dun. May nakapagtimbre sa kanyang pumasok na ang anak. Agad silang pumunta sa eskwelahan at pinakiusap sa kanya ang anak.

“Sabi ng pamangkin ko, ‘Just stay to tita ganda mommy…’ baka daw saktan siya ulit ng Daddy niya. Sabi niya ‘You’ll get me mommy ah, you’ll get me?” wika ni Rochelle.

Sinubukan niyang dalawin ang mga anak sa bahay ng mga Jimenez subalit ban na siya subdivision.

“Akala namin si Lope Jimenez ang nag-utos sa mga gwardiyang ‘wag kaming papasukin… pero nalaman namin si Mrs. Aguinaldo pala… asawa ng mga abogado ng Atty. Manuel Jimenez Jr,” ayon kay Rochelle.

SINO si Lope Jimenez? Ano ang kaugnayan niya sa pagkawala nitong si Ruby? ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ANAK

JIMENEZ

LANG

LAS PINAS

NIYA

ROCHELLE

RUBY

THIRD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with