Ambisyosong ‘Treevolution Mindanao’ ng DENR
HINDI maiwasang bansagang ‘ambisyoso’ nga ang proyektong ‘Treevolution Mindanao’ na nilunsad ng Department of Environment and Natural Resources na umaasang makapagtanim ng sabay-sabay ng may 4,636,000 na punongkahoy sa darating na September 26 sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao sa loob lamang ng isang oras.
Ipinagmalaki pa ng DENR na makamit nga ang nasabing pagtanim ng may 4.6 million trees at ipapasok ito sa Guinness Book of World Records.
Ang pagtanim ng mga punongkahoy na ‘yon ay tinatawag na “Treevolution” ay nangangailangan ng may 185,440 katao at a total of 9,200 hectares sa 228 sites dito sa Mindanao.
Napakamabuluhan at totoong napapanahon talaga ang mga proyektong gaya ng Treevolution Mindanao dahil sa nangyayari sa ating environment ngayon na nagpalala sa climate change.
Sana’y magpakatotoo ang DENR. Sana, aaminin ng DENR kung bakit masyadong nagmamadali at tila kaya ba talagang maisagawa ang proyektong Treevolution Mindanao gayong napakalapit na ang September 26.
May sapat na oras pa ba para sa preparasyon para sa event at mas higit na dapat tuunan ng pansin ay kung may 4.636 million ba talagang seedlings at kung may sapat bang tao para sa simultaneous tree planting ngayon September 26 na balak pa ngang ipasok sa Guinness Book of Record.
Ano ba talaga ang dahilan sa likod ng minadaling Treevolution na ito?
Nakikitang hindi makakamit ng DENR ang target ng massive tree planting ng National Greening Program nitong taong ito ng 2014 na may target na 164 million seedlings for production and planting covering 300,000 hectares.
At dahil hindi naman talaga kaya ng DENR na isagawa nito ang Treevolution Mindanao event sa September 26 na mag-isa, ito ay nakipag-partner sa Mindanao Development Authority at maging sa Department of Agriculture (DA), at sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagnanais na makuha nga ang target na 4,636,000 trees na matatanim sa loob ng isang oras sa 228 sites sa Mindanao.
At sa lahat ng ito, ang MinDA ang naging secretariat nitong Treevolution. Ang MinDA na rin ang gumagawa ng iba’t ibang stratehiya upang mapaabot sa mga kinauukulang local government units at mga organisasyong makakadagdag sa numero ng magtatanim ng punongkahoy ngayong September 26. Ang MinDA na rin ang nakapag-isip ng paraan gaya ng pagsagawa ng online registration para sa gustong sumali at iba pang paraan upang maipaalam sa nakakarami ang Treevolution. Dahil nga hindi kaya ng DENR.
Eh, kung wala ang MinDA, eh, di wala na ring coordinator na siyang magbuklod sa mga DENR regional executive directors sa Mindanao na kailangan na nilang kumilos at abutin ang target ng NGP.
Nagkukumahog ang DENR ngayon dahil nga kung hindi nila maabot ang target sa NGP, tiyak na mapapatalsik ang lahat ng mga regional executive directors nito.
Maaapektuhan din ang release ng budget para sa DENR kung hindi ito magtagumpay sa massive reforestation project nito na NGP.
Ang mga bagay na gaya ng massive reforestation ay hindi ginagawa sa loob ng isang oras o isang araw lamang. Ito ay pinaghirapan sa loob ng mahabang panahon dahil hindi nga nabubuhay agad ang isang seedling sa loob lang din ng isang oras o isang araw lang.
Ang tanong nga ngayon ay kung may 4,636,000 seedlings ba na nakahanda ang DENR para sa September 26 na Treevolution Mindanao? Meron nga ba?
Magpakatotoo lang sana ang DENR.
- Latest