Dapat bini-baby ang OFWs
NOONG ako ay Ambassador sa Abu Dhabi, United Arab Emirates (1994-1998), may pinauwi akong Labor Attache dahil sa ginawa niyang paninipa at paghahagis ng libro sa isang female OFW. Nasa kanyang opisina ang OFW para humingi ng tulong hinggil sa problema nito sa amo.
Ang Labor Attache na noon ay wala pang tatlong buwan sa panunungkulan ay si Atty. Luis Flores, isang kaibigan at schoolmate sa San Beda College noong ako ay nag-aaral ng abogasya.
Pinatawag ko si Flores sa aking opisina at binigyan ng pagkakataong magpaliwanag. Nag-sorry naman siya at inamin ang kasalanan. Na high blood lang daw siya at nakiusap na bigyan ng pagkakataong magbago ngunit hindi ako pumayag.
Hiniling ko kay Labor Secretary Leo Quisumbing na i-recall si Flores at sumang-ayon ito kaagad-agad. Sabi ko kay Quisumbing, hindi na pupuwedeng tumagal pa si Flores sa UAE bilang Labor Attache dahil wala siyang ipinagkaiba sa malulupit na mga amo sa lugar na iyon.
Sabi ko pa kay Quisumbing, bago pa ako naging Ambassador ng UAE, ako ay naging Labor Attache muna roon ng anim na taon at sa loob ng mahabang panahon na iyon, bini-baby ko ang OFWs at nang dumating ang bagong saltang Labor Attache na si Flores, basta na lang nanakit ng OFW na dapat ay tinulungan niya.
Tinanong ako ni Quisumbing kung may balak akong sampahan ng administrative case si Flores para tuluyang matanggal sa serbisyo. Tumanggi ako. Masyadong aksaya sa panahon, panahon na mas importanteng naigugugol sa pagtulong sa OFWs sa UAE. Tama na sa akin na napauwi ko si Flores at hindi na nai-deploy bilang Labor Attache.
Kaya ko naikuwento ito ay para maipagdiinan ko sa mga Ambassador at Labor Attache na dapat seryosohin nila ang pagprotekta sa OFWs, otherwise, bilang kongresista ng OFW Family Party-List, ipaglalaban ko na sila ay ma-recall o matanggal sa serbisyo.
- Latest