EDITORYAL - Alaala ni Ninoy
ANG pagpatay kay Sen. Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983 ang naging simula ng mga pagbabago sa bansa. Nabuwag ang diktadurya. Kailangan palang magbuwis ng buhay si Ninoy para magkaroon ng tapang at lakas ng loob ang mga Pilipino. Ang kamatayan ni Ninoy ang naghudyat para magkaisa at magkapit bisig ang lahat. Nailuklok ang biyuda ni Ninoy na si President Corazon Aquino noong Pebrero 1986 at lubusang naibalik ang demokrasya. Lahat nang ito ay nag-ugat dahil sa pagkamatay ni Ninoy.
Tatlumpu’t isang taon na ang nakalilipas mula nang barilin sa Manila International Airport (ngayo’y Ninoy Aquino International Airport) si Ninoy habang bumababa sa hagdan ng China Airlines. Bumagsak sa tarmac si Ninoy. Ayon sa Avsecom soldiers, si Rolando Galman ang bumaril kay Ninoy. Hanggang ngayon, nananatiling misteryo ang pagpatay kay Ninoy sa kabila na nakalaya na ang mga sundalong sinasangkot sa pagpatay. Nanindigan ang mga sundalo na wala silang kasalanan. Marami naman ang naniniwala na hindi maisasagawa ang pagpatay kay Ninoy kung walang alam ang rehimeng Marcos. Hindi man daw matukoy ang “utak”, sa kanilang isip, mayroon na silang alam kung sino nga iyon.
Hindi malilimutan si Ninoy sa nagawa niyang pagsasakripisyo ng buhay para maibagsak ang diktadurya. Ang kanyang pangalan ay laging sasambitin sa paglipas ng panahon. Hindi malilimutan ang ginawa niyang paglaban sa taong matakaw sa kapangyarihan. Galit siya sa gahaman sa kapangyarihan. Maski si President Cory ay tutol din sa pagpapalawig ng termino. Maraming beses siyang nanguna para labanan ang nagsusulong ng Charter change.
Ang nakapagtataka, tila ang kanilang anak na si P-Noy ay naninindigan na magkaroon ng Cha-cha para magkaroon ng extension ang termino. Biglang nagbago ang kanyang paninindigan at tila ibang “boss” ang kanyang pinakikinggan.
Huwag sana niyang kalimutan ang pamana ni Ninoy.
- Latest