Ignorante?
MAG-IISANG linggo na mula nang pinabagsak ng mga rebelde sa Ukraine ang Malaysian Airways flight MH 17 ngunit hanggang ngayon ang ating pamahalaan ay ubod ng tahimik pa rin.
Ang mga rebelde sa Ukraine ay suportado ng Russia kaya nanawagan si U.S. President Barack Obama kay Russian President Vladimir Putin na pahintulutan ang mga independent investigators na pumasok sa crash site.
Kinondena rin ni Obama ang nangyaring karahasan na kumitil ng 298 buhay. Sinusugan ng prime ministers ng UK at Australia at iba pang world leaders ang ginawa ni Obama ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin tayong naririnig kay P-Noy, kay Vice President Jojo Binay na naturingang Presidential Adviser on OFWs (PA/OFWs), at kay DFA Secretary Albert del Rosario.
Kasama sa mga namatay ang OFW na si Irene Pabellon at dalawang anak na sina Sherryl Shania, 20 at Darryl Dwight, 15 kasama ang kanilang ama na si Buddy Gunawan, isang Indonesian.
Ano pa kaya ang hinihintay ng tatlo? Tila nalimutan nila ang isinasaad ng batas na “the highest priority concern of the Philippine foreign service is the protection and welfare of Filipinos overseas” (RA 8042).
Samakatuwid, obligasyon ng tatlo na kahit man lang bulong ay sumama sila sa world outrage na nagaganap ngayon dahil sa pagpapabagsak ng UkraInian rebels sa MH 17.
Nahihiya ba o natatakot lang sila kay Vladimir Putin o wala lang talaga silang pakialam kay OFW Irene Pabellon at pamilya? O baka naman pure and simple incompetence lang ito o di kaya ay ignorance of the law on their part.
“Ignorantia legis excusat non”. Yan ang latin ng “ignorance of the law excuses no one”.
Ang pagsawalang kibo ng tatlo sa sinapit ni Irene at pamilya ay hindi lamang inexcusable ignorance of the law, ito ay nagpapakita lang na wala silang compassion para sa OFWs at pamilya.
Kung meron, bakit hindi man lang nababanggit ni P-Noy ang OFWs sa kanyang mga SONA noong 2011, 2012 at 2013?
- Latest