‘Controversial Fund’
WALANG pinagsisisihan ang Malakanyang sa paggamit ng kontrobersyal na pondo ng pangulo o ang Disbursement Acceleration Program (DAP).
Ipinupunto ng Palasyo, taumbayan ang nakinabang sa P1.107 bilyong piso na ipinamudmud sa 20 senador noong nakaraang taon.
Kung hindi pa umatungal si Senator Jinggoy Estrada noong nagkakagitgitan na sa malawakang isyu ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam, hindi pa mauungkat ang controversial fund na ito.
Sabay noon na iniimbestigahan ang DAP at PDAF scam. Pero mas nabaling ang atensyon ng publiko sa PDAF. Nakakulong na ngayon sa Kampo Crame si Jinggoy.
Nitong Martes, idineklara ng Korte Suprema na ilegal o unconstitutional ang DAP. Ito ang sinasabing pork barrel ng pangulo o katumbas ng PDAF ng mga senador at kongresista.
Ito rin ang sinasabing ginamit na “panuhol” ni Pangulong Benigno Aquino sa mga piling senador sa pamamagitan ng mga “pet project” para mapatalsik ang tuta ng dating administrasyon na si dating Chief Justice Renato Corona.
Ang DAP ang pinagsama-samang mga natipid na pondo o forced savings ng bawat departamento na nilikom ng Department of Budget Management para sa mga proyekto ng pangulo. Si DBM Secretary Butch Abad ang sinasabing utak nito. Hindi ito dumaan sa deliberasyon ng pondo sa Kongreso. Tanging ang mga nasa admi-nistrasyon lang ang nakakaalam ng stimulus fund na ito.
Sa lahat ng mga balitang naglalabasan patungkol sa DAP, hindi na mahalaga kung taumbayan ba ang nakinabang o hindi.
Tulad ng lagi kong sinasabi sa aking programang BITAG Live, importanteng huwag malito ang publiko sa isyung ito. Kung may naipakulong sa PDAF Scam, dapat mayroon ding managot sa DAP.
Iisa lang ang gagamiting panukat at pamantayan sa mga may tungkulin o namumuno na umabuso at nagmalabis sa kaban ng bayan. Sinadya man o hindi ang pandarambong, dapat panagutin mapa-pangulo man, mga gabinete, senador at kongresman.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.
- Latest