Nakakabilib
NAKUNAN ng larawan ang mga Japanese na nagpupulot ng kanilang kalat matapos ang kanilang laro laban sa Ivory Coast sa World Cup, kung saan natalo sila, 2-1. Natalo na, naglinis pa. Nagdagsaan ang papuri sa kanilang ginawa. Ipinakita sa mundo ang ibig sabihin ng malasakit, at disiplina. Maraming bumilib sa kanila. Nakasisiguro ako na walang ibang bansa ang gumawa niyan, maliban na lamang kung gumaya magmula ngayon.
Kilala ang mga Japanese sa disiplina, kaayusan at pagsunod sa awtoridad. Noong tumama ang lindol at tsunami sa Japan, nakuha pa ng mga nakaligtas ang pumila habang naghihintay ng tulong mula sa gobyerno. Ikumpara iyan sa mga naganap sa Leyte at Samar, ilang oras matapos manalasa ang bagyong Yolanda. Napakalayo. Marami tayong dapat matutunan mula sa mga Japanese.
Pero may nakuha pang magkomento ng masama sa ginawa ng mga Japanese. Mga “wierdo†raw sila. Malamang hindi sanay na makakita ng mga naglilinis ng kanilang lugar ang taong ito. Sanay na magkalat at pinauubaya na lang sa mga nakatakdang maglinis. Sa madaling salita, hindi nila problema ang kalat kaya walang pakialam. Kung ganito ang taong ito, wala na akong magagawa, pero huwag na lang siyang magsalita nang masama sa mga gumagawa nang mabuti.
Kailangan na kailangan ng ating kultura ang ganitong disiplina. Sa kalsada, makikita ang mga nagtatapon lang ng kalat kung saan-saan. Mga upos ng sigarilyo, balot ng kendi, botelya ng mineral water at sobrang pagkain. Hindi nila problema ang basura, kaya tapon na lamang kahit saan. Sa mga relihiyosong pagtitipon, bundok-bundok ng basura ang saan-saan na lamang itinatapon. At kapag bumaha sa napakakonting ulan, ang gobyerno ang sisiÂÂsihin. Kung kalahati lang ng buong populasyon ng Pilipinas ang may kaugaliang tulad ng mga Japanese, napakaunlad na siguro natin.
- Latest