^

PSN Opinyon

‘Gutay sa de-Sabog’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

SUMIKAT ang mga katagang ISANG BALA KA LANG.

Totoo namang isang bala lang ang kailangan para mautas ang buhay ng isang tao. Sobrang swerte naman ang taong tampok namin ngayon kung saan  dosenang bala ang bumaon sa katawan niya at nabuhay pa ito para maikwento ang nangyari sa kanya. Anong agimat meron ito na dinaig pa yata si “Pepeng Agimat” na kinaya niya ang pangyayaring ito.

Isang putok, labing dalawang bolitas ang bumaon sa kanyang katawan.

Hinarang na lang ng mga kalalakihang nasa edad 18 anyos pataas. Pinukpok ng isang tubo sabay putok nito…“Sumpak na pala ang dala nila bigla na lang tinutok at pinutok kay Empoy bulagta siya sa lupa,” pagsasalarawan ni Jonna.

‘Gang war’ ang naiisip na dahilan ni Jonna Sanguir, 27 anyos kung bakit binaril na lang ang asawang si William ‘Empoy’ Sanguir Jr. 30 anyos.

Tubong General Mariano Alvarez –GMA, Cavite sina Jonna at Empoy. Taga Brgy. De Las Alas Si Jonna, laking Brgy. Memije naman si Empoy.

“Sa parehong ekswelahan kami nag-aral. Hayskul pa lang ako boyfriend ko na siya…19 anyos ako ng magpakasal kami,” kwento ni Jonna.

Taong 2007 ng lumipat ang mag-asawa sa Brgy. Memije. Dalawang taon makalipas, sa Brgy. De Las Alas na sila namalagi. Nagkaroon sila ng apat na anak.

Abril 2013, umalis sa pagtatrabaho sa factory ng damit si Empoy. Nag-apply siya sa Carmona, Cavite. Abril 26, pinabalik siya ng kumpanya.

“Tumawag siya sa akin sa Lunes na raw simula niya. Nagpaalam siyang sa biyenan ko sa Memije muna tutuloy nung araw na yun,” ani ng misis.

Hapon, muling nag-text si Empoy at sinabing makikipag-inuman sa kumpareng si Ramir.

Alas 2:00 ng umaga, Abril 27, 2013, pinuntahan si Jonna ng hipag na si Raquel. “Ate, si kuya Empoy nabaril!”, sabi nito.

Dumiretso siya sa Brgy. Memije. Dinala na sa ospital si Empoy. Tinamaan siya ng bala ng de-sabog (12gauge shotgun).

Habang nasa ospital kinwento ni Rafael Bendo, 24 anyos, dating katrabaho at kababata ni Empoy ang nangyari. Base sa salaysay na ibinigay ni Rafael kay PO1 Bobbie Balazo sa pulisya ng GMA, Cavite nung ika-1 ng Mayo 2013.              

Nag-iinuman sila ng alak kasama ang ilang kaibigan ika-26 ng Abril 2013 mula 7:00PM sa bahay ng ina ni Empoy. Matapos nun tumambay sila sa tabing kalsada, sa gilid lang ng labas ng bahay. Nagka-ayaan sila umuwi na. Kagaya ng nakagawian nila, hinatid siya ni Empoy sa kanyang bahay, ilang metro ang layo.

Habang naglalakad nakasalubong nila si Jester Bernal alyas “Burnok” 18 anyos nun, estudyante at walang sali-salita ay pinalo raw siya nito ng hawak niyang tubo na kanyang nasalag ng kaliwa niyang kamay.               

May dinukot ito na isang tubo sa loob ng kanyang short na nalaman nila ni Empoy na isang “sumpak” (improvised shotgun).

“…tumakbo na po kami pataas, ngunit naiwan ko itong si William at sumunod nito ay nakarinig na po akong ng isang putok at paglingon ko sa likod nakita ko na si William na nakabagsak sa kalsada…” –laman pa ng salaysay.

Hindi na nabalikan ni Rafael si Empoy dahil pinagbabato na siya ng tatlong kalalakihan na tropa nitong si Burnok. Isa dito’y nakilala niya na si Emerald Nazarea o “Rap-rap” at dalawa sa mga ito ‘di niya natukoy.     

Wala raw alitan si Rafael sa pagitan nila Burnok maging ni Empoy.

Ayon kay Jona, nun pa may na alitan ang mga gang ng Poblacion 5 at Brgy. Memije marahil napagkamalan sila. Nakapagbigay rin ng salaysay si Empoy kay PO1 Jayson Feranil sa harap ni PO1 Jane Luna, nung Hunyo 13, 2013. Kinwento ni Empoy ang ginawang pagharang ng isang lalake na si Jester alyas Burnok at pagpalo nito ng tubo sa ulo ni Rafael. “… kinausap ko po itong si Burnok at ipinaliwanag sa kanya na hindi kami ang kanilang kaaway. Na matapos kong ipaliwanag kay Burnok inakala kong ‘ok’ na ang lahat at hindi na nila kami sasaktan…”—laman ng salaysay.        

Pagtalikod niya bigla siyang binaril sa likod ni Burnok. Dun niya napagtanto na ang hawak pala nitong tubo ay isang sumpak.

Bumagsak na siya sa semento at naalala niyang lumapit si Burnok at sadistang sinabi, “Masakit ba ang pag baril ko sa iyo tol”?

Pinalo pa siya ng hawak nitong tubo sa kanyang ulo ng ilang ulit. Nakisali din ang mga kaibigan ni Burnok at pinagsisipa siya hanggang mawalan ng malay.

Kritikal ang naging kundisyon ni Empoy. Nabalda siya. Inoperahan siya sa kidney, sa bituka at iba pang bahagi ng katawan. Nitong huli likod niya ang inoperahan matapos pumulupot ang bala sa kanyang gulugod (spine).               

Nagsampa sila ng Frustrated Homicide sa Prosecutor’s Office, Imus, Cavite. Hindi sumipot sa mga pagdinig sina Burnok at Raprap. Ika-16 ng Hulyo 2013 naglabas ng resolusyon si Asst. City Pros. Emmanuel Rivera. Nakitaan niya ng probable cause ang kaso. Setyembre 12, 2014, ibinaba ang warrant of arrest laban kina Jester Bernal @Burnok at Emerald Nazarea @Raprap. Pirmado ni Executive Judge Eduardo Israel Tanguanco ng RTC, Branch 89, Bacoor City. Hanggang ngayon nagtatago pa rin ang mga ito.

Ika-4 ng Nobyembre 2013, tuluyan ng biniwain ng buhay itong si Empoy dahil sa mga pinsalang sinapit sa pamamaril.

Enero 14, 2014, nagpasa ng Motion to Admit Attached Amended Information sina Jonna sa Korte para iaakyat ang kaso mula sa Frustrated Murder sa kasong Murder. Kahilangan ni Jonna, maisulat namin ang sinapit ng asawa’t mailabas ang larawan nga mga wanted na sina Burnok at Raprap.

Itinampok namin si Jonna sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882 KHZ, AM BAND (Lunes-Biyernes mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa mga kasong tulad ng kay Empoy na napagtripan siya ng mga umano’y miyembro ng Gang na ito… at nag-ugat daw ito sa labanan sa pagitan ng gangs ng mga taga Brgy. Pob.5 at Brgy. Memije, talo palagi ang mga taga dun na wala naman kinalaman sa away ng magkabilang gangs. Nakakalungkot isipin ang sinapit nitong si Empoy. Nakamatayan na niya ang kaso hindi pa rin nahuhuli ang mga bumaril sa kanya.

Sa mga nakakaalam kung nasaan sina Jester Bernal @Burnok at Emerald Nazarea @Raprap maari lamang makipag-ugnayan sa mga numero sa ibaba.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.

 

 

vuukle comment

BRGY

BURNOK

EMPOY

ISANG

JONNA

MEMIJE

SIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with