EDITORYAL - Suportahan, kampanya sa FOI bill
WALANG aasahan na sa panahon ni President Noynoy Aquino na maipapasa ang Freedom of Information (FOI) bill. Una nang sinabi ng MalaÂcañang na hindi nila prayoridad ang panukalang batas. Ang ganitong aksiyon ay taliwas sa sinabi noon ni P-Noy noong 2010 na uunahin daw niya ang FOI bill kapag naluklok. Nang nakaupo na, biglang hindi na niya ito prayoridad. Malaking palaisipan kung bakit tumamlay ang paninindigan ni Aquino sa panukalang batas na ito. Kataka-taka ang kanyang pagwawalambahala.
Kung ang FOI bill ay pinasa na noon pa, hindi aabot sa ganito ang kaso ni Janet Lim Napoles na nagmaniobra ng mga pekeng NGOs para ma-divert ang pork barrel ng mga senador at congressmen. Nasa P10-bilyon ang nakamal ni Napoles. Ngayon ay unti-unti nang lumalabas na marami palang senador at kongresista ang nakinabang sa kanilang pork barrel. Lahat pala sila ay iisa ang “likaw ng bitukaâ€.
Ngayong kinalilimutan na ni P-Noy ang FOI bill, matindi na ang kampanya ng taumbayan para maisulong na pagtibayin na ito. May kampanya sa online para rito. Marami nang supporters ang campaign. Hindi raw titigil ang netizens hangga’t hindi ipinapasa ang FOI bill.
Nakasaad sa Sec. 28 Article II at Sec. 7 Article III ng 1987 Constitution na may karapatan ang mamamayan na malaman ang mga transaksiyong ginagawa ng pamahalaan. Karapatang mabatid ang lahat ng polisiya, proyekto at mga programa ng gobyerno kung saan sangkot ang pera ng taumbayan. Bilang taxpayers, dapat mabatid at malinawan ng mamamayan kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad.
Kung magiging batas ang FOI Bill, maaari nang magkaroon ng access ang mamamayan sa lahat ng mga programang ginagawa ng public officials. Malalaman na ng mamamayan kung paano ginaÂgastos ng kanilang official ang pondo. Malalaman ng mamamayan kung ano ang mga pinasok na kontrata at mga kasunduan. Maaari na ring malaman ng mamamayan kung ano ang ginagawang programa ng public officials para mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo.
Suporta ng mamamayan ang kailangan para maipasa ang FOI bill. Huwag tumigil sa pagsusulong nito. Magkaisa para rito.
- Latest