Imposible, mahirap paniwalaan
KUNG may magandang balitang natanggap ang bansa noong Huwebes, kung saan ibinalik ng Federal Aviation Authority ng Amerika (FAA) ang Category 1 safety rating, may magandang balita ring natanggap si Vhong Navarro at mga taga-suporta niya. Una, ibinasura ng DOJ ang kasong rape na isinampa ni Deniece Cornejo kay Navarro. Napakahirap daw paniwalaan ang lahat ng salaysay ni Cornejo hinggil sa naganap umanong rape sa kanya ni Navarro, base sa CCTV, sa kanyang kilos ilang oras lamang matapos ang umanong rape, pati na rin ang pagka-imposible ng lahat ng kanyang isinalaysay. Ni wala man lang galos ang kahit anumang bahagi ng katawan ni Cornejo, kung tunay na naganap ang lahat ng kanyang isinalaysay. Kulang na lang siguro sabihin ng DOJ na nagsisinungaling siya. Pero ganun nga, ibinasura na ang kaso.
Pangalawa, sasampahan ng mga mabibigat na kasong serious illegal detention at grave coercion si Cornejo, Cedric Lee at iba pang mga kasama sa naganap na insidente sa Forbeswoods Heights condominium. Base na rin sa mga salaysay ni Navarro, at mga pisikal na ebidensiya sa kanyang katawan at sa CCTV rin ng condo, may basehan ang reklamo ni Navarro sa grupo ni Cornejo at Lee. Kung kailan sila aarestuhin at hindi puwedeng piyansahan ang kasong isasampa sa kanila ay hihintayin na lang ng lahat.
May dalawang kasong panggagahasa pang hinaharap si Navarro, na ayon sa kanyang abogado ay pakana at pakulo ng kampo nina Cedric Lee. Hihintayin din ng mamamayan ang magiging desisyon ng DOJ dito. Pero sa ngayon, matagumpay si Navarro, at sa tingin ko pati na rin ang mayorya ng Pilipinas. Noong unang lumabas ang insidenteng ito, ang simpatiya ay na kay Cornejo, siyempre, dahil babae. Pero nang lumabas ang CCTV at iba pang detalye ng insidente, nakitang hindi tugma ang mga pangyayaring pahayag ni Cornejo at Lee, nagbago ang lahat.
Sana nga ay mapabilis din ang pagdinig ng kasong ito. Patung-patong na ang mga kaso laban sa kanila, lalo na kay Cedric Lee. Pati BIR interesado na rin sa kanya, dahil sa kanyang mahahanging pahayag sa media. Natatandaan ko pa nga ang isa sa kanyang pahayag sa media, kung saan tila walang kinatatakutan si Cedric Lee, dahil siguro sa paniniwala na ang kayamanan at koneksyon niya ang magliligtas sa kanya. Wala raw siyang pakilam kahit murahin pa siya ng buong Pilipinas. Mukhang matutupad na ang kanyang pahayag.
- Latest