Bawal ang pasaway
ANG isang katangian ng progresibong lipunan na lulutang nang husto sa pang-araw-araw na realidad ay ang disiplina. Makikita ito agad oras na lumabas ng bahay sa umaga patungong trabaho o paaralan sa kalagayan ng trapiko at kung paano ito tanggapin ng mga commuter, motorista at pedestrian. Kritikal sa tagumpay ng paglagay sa ayos ng daloy ng trapiko ng milyon milyong sasakyan at pagbigay ng organisasyon sa mass transit ng milyon milyong pasahero ay ang mahigpit na pagsunod sa patakaran. At ang pinaka-basic at siya ring imahe ng kaayusan ay ang pagpila.
Kapag walang pila ay walang ayos. Magkakanya kanya na lang at nanaisin ng bawat isa na mauna. Ang resulta nito ay gulo at sa huli ay, imbes na lahat ay mapagbigyan, iilan lang ang makikinabang. Ang pagpila ang pinakasimple at pinakamabilis na paraan upang ang lahat ng nais mabiyayaan ng pribilehiyo ay mapagbigyan.
Mabalik tayo sa daily commute sa umaga. Sa mga sasakay sa jeep o sa bus, pinapatupad na ngayon ang pagpila sa mga terminal na dati’y unahan, siksikan at balyahan ang karaniwang katotohanan. Sa pagsakay sa MRT/LRT, pila rin para sa ticket o token. At siempre, sa mga motorista – lahat ay dapat bumaybay sa kanilang lane nang hindi magkabuhol buhol ang trapiko.
Siyempre, lahat tayo ay nakaranas o nakasaksi na rin ng mga kababayang walang respeto sa patakaran, lalo na sa pila. Sa lansangan, sila yung mga mahilig magcounterflow at sakupin ang espasyo ng mga sumasalubong na lane o di kaya ang madalas sumiksik kahit para lang makauna. Wala silang pakundangan kahit na maharang ang daanan ng lahat. Sa mga pila sa jeep o sa MRT/LRT, sila rin ang walang kahihiyang basta didiretso sa unahan at buong kakapalan ng mukhang ipipilit ang sarili. Madalas, ang ganitong kawalanghiyaan ay nauuwi sa away at basag ulo.
Awa ng Diyos ay may nakaisip na rin maghain ng panukalang batas na ginagawang krimen ang pagsingit sa pila at ang hindi pagsunod sa ayos. Sa House of Representatives ay naka-file na ang Anti-Pasaway Act of 2014 na akda nina Rodel Batocabe at Christopher Co ng party-list group Ako Bicol. Hindi lang P10,000 fine, mayroon ding one month imprisonment para sa mga pasaway sa pila.
Maliit na bagay para sa iba ang pagsunod sa pila subalit masasabi natin na isa ito sa mga haligi ng kaayusan sa lipunan.
Happy birthday sa aking ama na si Senador Ernesto “Manong Ernie†Maceda.
- Latest