Tambalang Duterte-Goldberg?
ANO ang nangyari at napapayag si Mayor Rodrigo Duterte na makipagkita kay Philip Goldberg, and bagong United States Ambassador to the Philippines pagkatapos ng 10 taon na inisnab niya ang dalawang nagdaang US envoy?
Talagang deadma si Duterte kay Kristie Kenney at Harry Thomas Jr. na magkasunod na naging US ambassador sa Manila nitong nagdaang 10 taon.
Huling nakipagkita si Duterte sa isang American ambassador ay noong kapanahunan ni Ambassador Francis Ricciardone na nadestino sa Manila simula 2002 hanggang 2005. Ito ay ‘yong nag-usap sila ng may halos isang oras sa Grand Regal Hotel tungkol sa kaso ni Michael Meiring.
Sinabi ni Duterte wala siyang galit sa mga Amerikano. Talagang ang ayaw lang niya ay ang paghawak ng US embassy sa kaso ni Meiring na isang Amerikanong naputukan ng bomba sa kanyang silid sa Evergreen Hotel dito noong May 2, 2002.
Kinuha kasi ng Federal Bureau of Investigation sa isang ospital dito na walang paalam sa mga local officials gayong may mga kaso itong kinaharap dahil siya rin ang may-ari at may hawak ng explosives na pumutok.
Ganun na nga na pagkatapos ng may 10 taon at heto na si Duterte na pumayag makipagkita kay Goldberg. Sa anong dahilan at bigla siyang pumayag na harapin ang isang US ambassador?
Nakikita kong may common interest ang dalawa. Kapwa may interest sa intelligence operations at pareho rin silang nakatutok sa security ops.
Ngunit pinabulaanan ni Duterte na nag-usap sila tungkol sa security noong nagkita sila ni Goldberg sa unang pagkakataon noong Biyernes ng hapon dito sa boardroom ng Marco Polo Hotel.
Anang mayor, tungkol sa Southern Mindanao region at sa Davao City ang kanilang pinag-usapan. Nabanggit din daw nila ang tungkol sa law and order.
Ngunit inamin naman ni Duterte na siguro sa susunod na pagkikita nila ni Goldberg ay mga mas seryosong bagay na ang kanilang tatalakayin.
Medyo may nabubuong friendship o partnership ang nakikita ko sa pagitan ni Duterte at Goldberg kung titingnan ang kalalabasan ng kanilang unang pagtatagpo.
Kaabang-abang nga ang tambalang Duterte-Goldberg!
- Latest