EDITORYAL - Ipakita ang ‘pangil’ sa mga may ‘sungay’ sa Customs
INILARAWAN ni Bureau of Customs chief John Phillip Sevilla na may mga demonyo sa ahensiyang pinamumunuan. Malinaw na mga demonyo ang sinabi niyang mayroong “apat na sungay†at “dalawang buntot’’ sa Customs. Maaaring totoo na may mga demonyo sa Customs at ang mga ito ang kakutsaba ng big time smugglers na nagiging dahilan kung bakit laging kapos ang target revenue. Kahit kailan, hindi maabot ng Customs ang target na kita mula sa buwis na binabayad ng mga produktong pumapasok.
Sa panahon ni dating Customs chief Ruffy BiaÂzon, walang maipagmalaking nakuha ang target revenue. Laging kapos. Paanong hindi kakapusin, maraming smuggler na hindi nagbabayad ng Customs duties o kung nagbabayad man, napakaÂliit. May mga kasabwat na opisyal at empleado ang mga smuggler. Numero unong ini-smuggled ang bigas. At nakapagtataka na hindi naputulan ng sungay ni Biazon ang mga smuggler. Naging tau-tauhan si Biazon sa Customs, bagay na hindi ikinatuwa ni President Aquino. Nang mapuno ang Presidente, lantaran niyang pinaringgan sa kanyang SONA noong July 2013 ang Customs. Saan daw kumukuha ng kapal ng mukha ang mga taga-Customs at parating nalulusutan ng kontrabando. Hindi lamang bigas ang napapalusot kundi pati illeÂgal na droga.
Ayon kay Sevilla, noong una ay wala siyang alam sa mga nangyayari sa Customs bagama’t mayroon na siyang naririnig ukol dito. Pero nga-yong siya na ang namumuno rito, kumbinsido na siya na talagang talamak ang katiwalian sa Customs.
Kung marami nang alam ang bagong Customs chief, siguro naman ay alam na niya ang tungkol sa isang nagngangalang David Tan na sangkot umano sa rice smuggling sa bansa. Si Tan umano ang nagpi-financed sa rice smuggling cartel at “nagsusuhol†sa mga corrupt na opisyal at empleado sa Customs. Nasa P6 bilyon umano ang ibinigay ni Tan sa mga corrupt sa Customs.
Ipakita na ni Sevilla ang kanyang ‘‘matalas na pangil’’ sa mga may ‘‘sungay at buntot†sa Customs. Simulan niya ngayong 2014.
- Latest